Kapunan

Burden of evidence nasa defense team–Kapunan

Mar Rodriguez Oct 2, 2026
24 Views

IPINAHAYAG ng isa sa legal counsels ng House prosecution na si Atty. Lorna Kapunan na nasa panig na ng depensa ang tinatawag na “burden of evidence” kaugnay ng ilang ari-arian at 51 baril na sinasabing pagmamay-ari ni Vice President Sara Duterte at asawang si Manases Carpio.

Matapos maiharap ng prosecution ang kanilang mga testimonya, dokumento at testigo sa Article II ng Articles of Impeachment, kinakailangan ng patunayan ng defense team na ang mga naturang ari-arian ay naideklara sa mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Vice President.

“The burden of evidence has shifted to them,” ani Kapunan. Ipinaliwanag nito na para sa prosecution, nailatag na nila ang ebidensiyang nagsasabing may ilang ari-arian na hindi lumilitaw sa SALN.

Tinukoy ni Kapunan ang ilang properties na umano’y hindi nakita sa SALN at iginiit na tungkulin na ngayon ng depensa na ipakita kung saan at paano idineklara ang mga ito.

Maaaring sabihin ng depensa na nakalista naman ang mga ari-arian ngunit ibang address ang ginamit o may iba pang paliwanag. Gayunman, kailangan umano itong patunayan sa pamamagitan ng ebidensiya.

Ang usapin ay bahagi ng Article II ng impeachment case na naglalaman ng mga alegasyon hinggil sa umano’y betrayal of public trust, paglabag sa Konstitusyon, unexplained wealth at hindi wastong pagsisiwalat ng mga ari-arian sa SALN.

Bukod sa real properties, sinabi rin ni Kapunan na kailangang ipaliwanag ng depensa ang umano’y 51 firearms na tinatayang nagkakahalaga ng P7 milyon.

Ayon sa prosecutor, hindi lamang halaga ng mga baril ang dapat tingnan kundi kung ang mga ito ay wastong naideklara bilang personal assets sa SALN.

“Seven million pero 51 firearms, hindi mo dineclare sa personal assets. Oh, ‘di burden of evidence nasa inyo,” sabi pa ni Kapunan.

Iginiit nitong dapat patunayan ng defense team kung ang hindi umano pagsasama sa SALN ay resulta lamang ng “honest mistake” o ginawa nang may “good faith” sa halip na sadyang hindi isiwalat.

Ang mga pahayag ng prosecution ay bahagi pa lamang ng paglilitis. Ang depensa ay may pagkakataong magharap ng sariling testimonya, dokumento at iba pang ebidensiya upang sagutin o pabulaanan ang mga alegasyon.

Ang usapin ng mga ari-arian at firearms ay kabilang sa mas malawak na alegasyon sa impeachment case na tumatalakay sa SALN disclosures at sinasabing unexplained wealth ng Vice President.