ASEAN

NCRPO pinaiigting inter-agency coordination para sa ligtas at maayos na ASEAN Summit

Edd Reyes Oct 2, 2026
29 Views

PAIIGTINGIN ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang paghahanda sa nalalapit na 49th ASEAN Summit sa pamamagitan ng mas mabilis na koordinasyon sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholders.

Inilabas ni NCRPO Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang kautusan matapos na dumalo sa inter-agency coordination meeting kaugnay sa isinusulong na “Harmonized Actions and Interventions for the 49th ASEAN Summit” kung saan tinalakay ng mga kinatawan ng bawat ahensiya ang mga hakbang upang matiyak ang maayos, ligtas, at matagumpay na pagdaraos ng regional gathering sa Nobyembre.

Bukod sa NCRPO, kabilang sa mga ahensiyang dumalo sa pagpupulong ang Armed Forces of the Philippines, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Tourism (DOT) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na tumutok sa pagpapalakas ng koordinasyon at pagtutulungan sa traffic management, mobility, seguridad, crowd management, at iba pang logistical requirements sa mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad na may kaugnayan sa ASEAN Summit.

Binigyang-diin din ang pangangailangan para sa tuloy-tuloy na pagtutulungan at mabilis na pagtugon sa bawat lugar, kabilang ang mga hakbang sa traffic at transportasyon, maayos na paggalaw ng mga official convoy, at pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga ASEAN leaders, delegates, guests, at iba pang kalahok.

Sinabi ni PBGen. Abrahano na isinasagawa na nang maaga ang mga kinakailangang paghahanda upang matiyak na mananatiling ligtas, walang panganib, at maging maayos ang Kalakhang Maynila.