PDEA

PDEA nagbabala vs illegal vape products na may mapanganib na droga

37 Views

PDEA1ISANG babala ang ibinaba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa buong sambayanan matapos masabat ang mga iligal na vape products na hinaluan ng mapanganib na kemikal na tinatawag na Etomidate.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, ang nasabing sangkap ay isang malakas na pampamanhid o anesthetic na ginagamit sa mga ospital — at hinding-hindi para sa recreational o pampasaya!

“Ang etomidate ay isang makapangyarihang gamot medikal, hindi isang recreational na substansiya,” giit ni DG Nerez. “Ang paglalagay nito sa mga produkto ng vape ay nagdudulot ng seryoso at hindi matukoy na mga panganib, lalo na para sa mga kabataan!”

Binanggit rin ng PDEA na ang mga drogang vape na ito ay palihim na ikinakalat sa merkado gamit ang iba’t ibang tawag ng mga sindikato:

Bukod sa mga vape cartridge, nadiskubre rin ang Etomidate sa anyo ng mga tabletas, pulbos, at kristal.

Kapag ito ay nalanghap o nagamit nang walang gabay ng duktor, mabilis itong makakapagpatulog sa biktima (hipnosis), magdudulot ng pagkawala ng malay, hindi makontrol na paggalaw ng katawan, hanggang sa mapanganib na epekto sa paghinga at puso.

Nanawagan ang PDEA sa publiko na huwag maging kampante porke’t mukhang inosente o karaniwang pormat ng vape ang hawak.

Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang PDEA sa iba pang mga bansa sa Asya—tulad ng Singapore, Thailand, China, Hong Kong, at Taiwan—na una nang naghigpit laban sa salot na ito.

Agad na dalhin sa pagamutan kung may makitang kakaibang reaksiyon pagkatapos humithit ng kahina-hinalang vape.