Calendar
Estudyante may dalang pistol sa paaralan, iniimbestigahan kung nagyayabang lang
ISANG 15-anyos na estudyanteng may dalang pistola ang nasita ng lokal na pulisya sa loob ng isang paaralan sa Catarman, Northern Samar noong Huwebes matapos makatanggap ng impormasyon mula sa kanyang mga kaklase at guro, ayon kay Police Regional Office 8 Director Brigadier General Romano V. Cardiño.
Ayon sa opisyal, mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Catarman Municipal Police Station sa isang tawag hinggil sa isang estudyanteng nakitang may dalang caliber .45 semi-automatic pistol sa loob ng kanilang silid-aralan sa Barangay Dalakit.
Lumabas sa imbestigasyon na isang kaklase ng binatilyo ang nagsabi sa kanilang guro na nakita niyang may dala itong baril. Dahil dito, hiniling ng guro sa estudyante na buksan ang kanyang bag.
Nang makita ng guro ang baril sa loob ng bag, agad niyang ipinaalam ang insidente sa kanilang head teacher. Agad namang nakipag-ugnayan ang huli sa lokal na pulisya, na nagpadala kaagad ng pangkat ng mga pulis sa paaralan.
Narekober ng mga pulis mula sa estudyante ang isang caliber .45 na pistola na walang serial number. Bagama’t walang bala sa chamber nito, may kasama itong apat na magazine at 10 bala.
Sinabi ni PRO8 spokesperson Lieutenant Colonel Analiza Catilogo-Armeza na sa pagtatanong sa estudyante, sinabi nitong wala siyang planong barilin ang sinuman nang bilhin niya ang baril na binura na ang mga serial number at dalhin ito sa kanilang paaralan.
Sinisiyasat ng pulisya ang posibilidad na nais lamang ng binatilyo na “magpasikat” sa kanyang mga kaklase gamit ang pistola.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na may-ari ng hindi lisensiyadong baril, kasunod ng pahayag ng estudyante na pag-aari umano ito ng kanyang ama.
Isang kaso para sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013 ang ihahain ng lokal na pulisya laban sa sinumang mapatutunayang may-ari ng nakuhang baril.
Pansamantalang inilagay ang binatilyo sa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development Office para sa assessment at naaangkop na intervention, alinsunod sa mga umiiral na pamamaraan, matapos siyang ma-interview ng mga tauhan ng Women and Children Protection Desk ng Catarman MPS, ayon kay Lt. Col. Armeza.
Kasunod ng insidente, inatasan ni Brig. Gen. Cardiño ang kanyang mga tauhan na ipagpatuloy ang pakikipagpulong sa mga opisyal ng mga paaralan sa kanilang mga lugar upang talakayin ang mga hakbang para mapalakas ang seguridad sa mga kampus.
“Ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral ay isang responsibilidad na dapat nating pagtulungan. Patuloy nating paiigtingin ang pakikipagtulungan ng PRO 8 sa mga paaralan at iba pang katuwang upang mapanatili ang ligtas na learning environment sa buong Eastern Visayas.”
Sinabi rin ng opisyal na iniutos niya ang pagsisiyasat sa posibleng pagkukulang sa mga security measure ng paaralan na naging dahilan upang makapasok ang estudyante nang dala ang baril.
Iginiit naman ni Philippine National Police Chief (PNP) General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na ang malapit na koordinasyon ng pulisya, mga kawani ng paaralan, lokal na awtoridad, at iba pang stakeholder ang nakatulong upang matugunan ang dalawang magkahiwalay na insidenteng may kaugnayan sa baril sa loob ng mga paaralan sa Northern Samar at Cotabato noong nakaraang Huwebes.
Sa Matalam, Cotabato, natukoy ng mga pulis at security personnel ng paaralan na nagsasagawa ng regular na security monitoring ang isang .45-caliber pistol na may walong bala sa loob ng storage compartment ng isang motorsiklong minamaneho ng isang 17-anyos na babaeng estudyante. Siniguro ang seguridad sa baril at ini-refer ang insidente sa mga kinauukulang awtoridad para sa assessment at karagdagang aksyon.
“Habang ang mga pangyayari sa dalawang insidente ay kailangan pa ring beripikahin, ang agarang pagkilos ng mga kawani ng paaralan at pulisya ay nakatulong upang matugunan ang mga concern sa maagang yugto at maaaring nakapigil sa paglala ng mga sitwasyon tungo sa mas seryosong mga insidente,”
Ayon kay Gen. Nartatez, partikular na mahalaga ang mga hakbang na ito dahil sa mga kamakailang insidenteng may kaugnayan sa baril sa mga paaralan sa Tacloban City, Zamboanga City, at Banga, South Cotabato, na muling nagbigay-pansin sa kahalagahan ng pagpapalakas ng mga hakbang pangkaligtasan sa mga learning environment.
“Ang mahalaga, may nakapansin at may agad na kumilos. Pero hindi ito trabaho ng pulis lang. Kailangan ang tuloy-tuloy na cooperation at close coordination ng PNP, DepEd, school authorities, LGUs, parents, at iba pang stakeholders. Kapag bukas ang communication at nagtutulungan ang lahat, mas mabilis nating naaaksyunan ang anumang concern at mas napapanatiling ligtas ang ating mga paaralan.”

