Revolver

16-anyos na may dalang dalang revolver, dinala sa police station

Edd Reyes Oct 3, 2026
29 Views

DINALA sa police station ng mga barangay tanod ang 16-anyos na binatilyo nang makuha ang dala niyang baril habang nakikipagtalo sa nakaaway noong Biyernes ng gabi sa Parañaque City.

Nagsimula ang kaguluhan sa hindi pagbabayad ng pusta ng natalong grupo sa larong basketball alas-6:30 ng gabi sa Barangay Tambo na humantong sa mainitang pakikipagtalo ng menor-de-edad na binatilyo sa kanilang kalaro.

Nakatawag pansin sa mga tanod ng Barangay Tambo ang kaguluhan at nang tangkain nilang umawat, nakita nila ang binatilyo na hinuhugot na ang kalibre .22 revolver na kargado ng limang bala sa chamber sa suot na short pants.

Mabilis na kumilos ang mga tanod at kinumpiska ang baril hanggang sa dalhin nila sa Tambo Police Sub-Station ang binatilyo, pati na ang nakumpiskang baril, matapos idaan para sa kaukulang dokumentasyon sa barangay hall.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor, prayoridad pa rin nila na protektahan ang mga bata, maiwasan ang higit pang pinsala, at tiyaking mabigyan siya ng tamang intervention sa ilalim ng R.A. 9344, o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

“This incident also reminds us that firearms must never be accessible to children,” dagdag pa ni BGen. Pasto.