Creek

2 kabataan na nakitang lupaypay sa sapa sa QC iniimbestigahan

28 Views

PATULOY na inaalam ng mga awtoridad kung paano napunta sa isang creek ang dalawang menor de edad na babae at lalaki na natagpuang nakahandusay at hindi makagalaw sa Barangay Pinagkaisahan, Quezon City, nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 2.

Nasagip ng mga pulis at bombero ang dalawang kabataan sa creek malapit sa Bernardo Park. Hindi pa malinaw kung aksidenteng nahulog, itinulak o inihulog, o kusang tumalon ang mga ito.

Ayon sa ulat, kapwa nanginginig ang mga menor at nakararanas ng matinding pananakit sa balakang at puwit.

Agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng Kamuning Police Station (PS 10) matapos makatanggap ng ulat mula sa Barangay Pinagkaisahan. Nakipagtulungan ang mga pulis sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagsagip sa dalawang kabataan.

Matapos mailabas sa creek, isinugod ang mga ito sa East Avenue Medical Center (EAMC) para sa pagsusuri at kaukulang lunas.

Bandang alas-5:40 ng hapon nang ma-discharge ang babaeng menor, habang alas-6:12 naman ng gabi nang makalabas ng ospital ang lalaking menor.

Napag-alaman na magkakaklase ang dalawa. Agad silang ini-turn over sa kani-kanilang guardian matapos ma-discharge.

Patuloy ang imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) upang matukoy kung paano napunta sa creek ang dalawang kabataan at kung may iba pang taong sangkot sa insidente.