Suspek

Parak-NE umariba; suspek sa double murder, drugs inaresto

Steve A. Gosuico Oct 3, 2026
19 Views

CABANATUAN CITY–Nahuli ng mga pulis ang wanted na obrero dahil sa kasong double murder sa pinaigting na manhunt noong Biyernes.

Nasakote si alyas Amang, 57, sa Brgy. Talabutab Norte, General Mamerto Natividad dakong alas-4:10 ng hapon.

Tinawag ang arestadong suspek ni Nueva Ecija cop chief Col. Ritchie R. Claravall na “no. 1 most wanted person sa regional, provincial at municipal levels.”

Nadakip siya sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ng Cabanatuan City regional trial court branch 27 para sa kasong double murder.

Samantala, 10 wanted persons din ang nasakote sa Bongabon, Carranglan, Gabaldon, General M. Natividad, Jaen, Laur, Lupao, San Jose City at Talavera.

May naaresto ding tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang Gapan City, San Jose City at Guimba police.

Nasa 7.43 na gramo ng shabu na katumbas ng P50,524 ang nasamsam sa 3 suspek na tulak.

Iniulat din ang boluntaryong pagsuko ng dalawang baril sa Licab at Llanera.

“Ipagpapatuloy namin ang aming manhunt operations at ang kampanya laban sa ilegal na droga at mga loose firearms,” sabi ng hepe ng pulis.