Calendar
‘LIPAT BAHAY’ DRIVER, HELPER ‘PINITIK’ P664M ALAHAS NG KUSTOMER, TIKLO
ARESTADO ang driver at helper ng transport service matapos umanong nakawin ang mga alahas na nagkakahalaga ng P664,000 mula sa isang 33-anyos na negosyanteng babae sa Quezon City.
Kinilala ni Batasan Police Station (PS 6) commander PLTCOL Gemmer Tubiera ang mga suspek na sina alyas “Vin,” 41, driver, at alyas “Jo,” 24, helper. Kapwa sila residente ng Tatalon, Quezon City.
Batay sa ulat, nag-book ang biktima ng transport service noong Oktubre 2 upang maghakot ng kanyang mga gamit sa lilipatang bahay. Empleyado umano ng naturang kumpanya ang dalawang suspek.
Kinabukasan, napansin niyang nawawala ang kanyang jewelry box. Nang suriin niya ang CCTV sa dati niyang tirahan, nakita umano rito ang helper na kumukuha ng kahon ng alahas na nakapatong sa mesa sa dining room.
Agad niyang ini-report ang insidente sa PS 6. Nagsagawa ang mga pulis ng follow-up operation na humantong sa pagkakaaresto sa dalawang suspek at pagkakarekober ng mga alahas dakong alas-9 ng umaga noong Oktubre 3 sa Barangay Matandang Balara, Quezon City.
Kabilang sa mga narekober ang iba’t ibang pares ng hikaw, bracelet, singsing at kuwintas. Pinakamahal sa mga ito ang white gold ring na may princess-cut diamond na nagkakahalaga ng P310,000 at half-eternity wedding ring na nagkakahalaga ng P120,000.
Umabot sa P664,000 ang kabuuang halaga ng mga narekober na alahas.
Inihain sa Quezon City Prosecutor’s Office ang kasong paglabag sa Article 308 ng Revised Penal Code o theft laban sa mga suspek.
Ayon kay QCPD Acting District Director PBGEN Christopher Olazo, patuloy na paiigtingin ng pulisya ang mabilis na pagtugon sa mga ulat ng pagnanakaw. Hinimok din niya ang publiko na agad i-report sa pulisya ang mga kahina-hinalang aktibidad o tumawag sa E911/QC Helpline 122.

