Mask

Mga residente ng Tondo, Quiapo pinayuhang mag- face mask pag lalabas ng bahay

Edd Reyes Oct 4, 2026
36 Views

HINDI pa rin maganda ang kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng Tondo at Plaza Del Carmen sa Quiapo araw ng Linggo, batay sa pinakahuling pagtaya ng Manila Air Quality Index (AQI).

Dahil dito, pinayuhan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga residente ng Unang Distrito ng Tondo, partikular sa Tayuman, Juan Luna, at mga naninirahan sa San Sebastian Residences na dumaranas ng hika at iba pang sakit na may kaugnayan sa kahinaan ng baga na iwasan munang lumabas ng bahay o magsuot ng face mask kung hindi maiiwasan.

Batay sa inilabas ng AQI alas-10:00 ng Linggo ng umaga, sa loob ng tatlo hanggang limang araw ay “Unhealthy for Sensitive Groups (FSG) pa rin ang level ng hangin sa naturang mga lugar habang “Fair” naman ang hangin sa Anda Circle, Sta Ana Hospital, at Rajah Sulayman Park.

Ang na-obserbahang haze at usok na posibleng nagmula pa sa nasusunog pa ring kagubatan sa Kalimantan, Indonesia, na posibleng tinangay na hangin hanggang sa Pilipinas ang sanhi ng hindi pa rin maayos na kalidad ng hangin sa bahagi ng kapitolyo ng bansa.

Bukod sa mga may hika at karamdaman sa baga, nag-abiso rin ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga bata, matatanda, at mga buntis, na limitahan ang paglabas ng bahay at magsuot ng face mask kung kinakailangan.