Calendar
Speaker Dy nakiramay sa pamilya ng 2 estudyante na nasawi sa Cauayan
NAGPAABOT ng pakikiramay si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa mga pamilya ng dalawang mag-aaral na nasawi sa Cauayan South Central School.
Nagtungo si Dy sa paaralan matapos malaman ang insidente upang personal na alamin ang sitwasyon at makausap ang mga kinauukulan.
Bilang ama at kapwa Isabeleño, sinabi ng Speaker na labis siyang nasaktan sa sinapit ng mga bata at ng kanilang mga pamilya.
“Walang magulang ang dapat makaranas ng mawalan ng anak sa ganitong paraan,” pahayag ni Speaker Dy.
Nakikiisa siya sa matinding pagdadalamhati ng mga naulilang pamilya at nanalangin para sa mabilis na paggaling ng iba pang mga batang naapektuhan ng insidente.
Nagpaabot din si Dy ng mensahe sa mga pamilya ng mga biktima, kanilang mga kaklase at guro, gayundin sa buong komunidad ng paaralan.
“Hindi kayo nag-iisa. Makakaasa kayo sa aming malasakit at suporta sa gitna ng pagsubok na ito,” ani Speaker Dy.
Binigyang-diin ng Speaker na sa panahon ng ganitong trahedya, mahalagang maipadama sa mga apektadong pamilya at sa buong school community na may mga taong handang umalalay at sumuporta sa kanila habang hinaharap nila ang mabigat na pangyayaring ito.
