GSIS

GSIS pinalawak Adopt-A-School Program sa 30 paaralan, solar power kabilang sa tulong

31 Views

PINALAWAK ng Government Service Insurance System (GSIS) ang Adopt-A-School Program (ASP) nito sa 30 pampublikong paaralan sa buong bansa, na may hanggang PhP12 milyon na tulong para sa mga kagamitang pang-edukasyon at iba pang pangangailangan ng mga guro at mag-aaral.

Sa unang pagkakataon, kabilang sa assistance ang solar power systems para sa mga paaralang may limitado o hindi maaasahang suplay ng kuryente, upang mapatakbo ang mga computer at iba pang learning technologies na kailangan sa pagtuturo.

Isinagawa ang pagpapalawak ng programa bilang bahagi ng paggunita ng GSIS sa National Teachers’ Day ngayong Oktubre 5, bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga guro sa pampublikong paaralan.

Maaaring tumanggap ang bawat paaralang benepisyaryo ng hanggang PhP400,000 na tulong para sa technology at assistive learning devices, furniture, equipment at iba pang resources para sa online at face-to-face learning.

“Mga miyembro ng GSIS ang ating public school teachers, at marami sa kanila ang nagtuturo sa mga paaralang hindi maaasahan ang suplay ng kuryente. Sa pamamagitan ng Adopt-A-School Program, binibigyan natin sila ng mga kagamitang kailangan nila at mas maaasahang power source para makapagturo nang mas maayos,” ani GSIS President and General Manager Wick Veloso.

“Sa National Teachers’ Day, nais nating kilalanin ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng tulong na magagamit nila araw-araw sa kanilang mga silid-aralan at ng kanilang mga estudyante,” dagdag niya.

Ang mga solar power unit ay tutulong na panatilihing gumagana ang mga computer at iba pang learning equipment sa mga paaralang may kulang o hindi regular na suplay ng kuryente. Sa ganitong paraan, magkakaroon ang mga guro ng mas maaasahang power source para sa kanilang araw-araw na pagtuturo.

Ayon sa GSIS, nakikipag-ugnayan ito sa Department of Education (DepEd) sa pagpili ng mga paaralang benepisyaryo. Kabilang sa mga nirerekomenda ng DepEd ang mga last-mile school at iba pang priority school na nangangailangan ng technology at learning support.

Matapos maaprubahan ang mga paaralan, nakikipag-ugnayan ang GSIS sa bawat isa upang matukoy ang partikular nitong pangangailangan. Tungkulin naman ng GSIS branch offices na makipag-ugnayan sa mga paaralan sa kanilang lugar at tumulong sa paghahatid ng assistance.

Ipinatutupad ang ASP alinsunod sa GSIS Board Resolution No. 133, na inilabas noong Setyembre 26, 2023. Pinahintulutan nito ang pagpapatuloy ng programa mula 2024 hanggang 2027, na may target na 30 paaralan bawat taon o kabuuang 120 paaralan sa loob ng apat na taon.

Sa halagang PhP400,000 bawat paaralan, umabot sa PhP48 milyon ang kabuuang aprubadong pondo para sa programa, o PhP12 milyon bawat taon.

Kabilang ang ASP sa mga inisyatiba ng GSIS na naglalayong makatulong sa mga komunidad na may kakulangan sa educational resources, habang pinatitibay ang ugnayan nito sa DepEd at iba pang government stakeholders.