NCRPO

NCRPO tiniyak na tuloy manhunt sa miyembro ng TBS, 13 suspek huli

Edd Reyes Oct 5, 2026
20 Views

TINIYAK ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano na tuloy-tuloy ang kanilang operasyon sa panghuhuli sa personalidad na may kaugnayan sa True Brown Style (TBS).

Sa katunayan, bago pa man ilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang utos na palakasin ang intelligence gathering, police operations, at community-based interventions laban sa TBS, umabot na sa 13 personalidad ang kanilang naaresto na may kaugnayan sa naturang grupo.

Sinabi ni BGen. Abrahano na sa 13 inaresto, dalawa ang nahuli noong 2024, apat noong 2025, at pito noong 2026, na patunay na ipinapakita ang patuloy na pagsisikap ng NCRPO na tukuyin at isailalim sa kustodiya ang mga indibiduwal na sinasabing sangkot sa mga aktibidad ng grupo.

Naitala ang mga pag-aresto sa iba’t ibang police district ng NCRPO kung saan anim ang naaresto ng Southern Police District (SPD), apat sa Manila Police District (MPD), dalawa sa Quezon City Police District (QCPD), at isa sa Northern Police District (NPD).

Batay sa mga rekord ng pulisya, ang 13 inarestong personalidad na iniuugnay sa TBS ay nasangkot umano sa kabuuang 21 paglabag sa batas, kabilang ang nahulihang hindi lisensiyadong baril, tatlong kaso ng illegal gambling, tatlong kaso na may kaugnayan sa kidnapping o illegal detention, at dalawang kaso na may kaugnayan sa illegal na droga.

Kabilang din sa iba pang sinasabing paglabag ang pagnanakaw, homicide, trafficking in persons, cybercrime, paglabag sa Anti-Hazing Law, child abuse, grave coercion, resistance or disobedience, at iba pang paglabag sa mga special law.

“We will continue to track down other members of TBS, particularly those who engage in illegal activities and those who recruit or influence young people to commit crimes, ” saad ni PBGen. Abrahano.