Calendar
Mayor Isko: WALA ng lusot abusadong motorista sa NCAP
WALA ng lusot ang mga abusadong motorista sa pinahusay na No Contact Apprehension Program (NCAP) na sinimulan na sa Maynila noong Lunes, ayon kay Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso.
“Ang mga abusado sa kalsada, wala ng excuse because today, inumpisahan na pong i-implement ang non-contact apprehension,” pahayag ng mayor.
Bago ipatigil ng Korte Suprema ang NCAP noong Agosto 30, 2022, si Mayor Domagoso ang nagpatupad nito sa unang pag-upo niya bilang alkalde at libu-libong motorista ang nahuli at pinagmulta sa nagawang paglabag.
“So, anong ibig sabihin? Talagang walang disiplina ang ilan nating mga kababayan sa pagmamaneho. You can’t argue with technology. We may argue with our enforcers, but with technology, huli. Sa huli, walang lusot,” sabi pa ng alkalde.
Pagtiyak pa ng alkalde, gumamit na sila ngayon ng upgraded high-resolution sa NCAP 2.0 na malinaw na makukuha ng camera ang lalabag sa trapiko.
Hindi na rin pangangasiwaan ng pribadong kompanya ang NCAP kundi mga sinanay ng tauhan ng lokal na pamahalaan habang mga awtorisado nilang tauhan ang susuri at nagpapatunay sa bawat mahuhuli bago ang pag-iisyu ng notice of violation.
Maaari ring kuwestiyunin ng motorista kung inaakala nilang mali ang pagkakahuli sa kanila sa pamamagitan ng paghahain ng protesa sa NCAP portal habang ang multa na nakabatay na sa umiiral na Metro Manila Traffic Code of 2023 ay maaaring bayaran sa online o mismong sa lokal na pamalaan kung saan nangyari ang paglabag.
“Huwag na huwag ninyong tatalikuran ang notice na darating sa inyong bahay dahil hindi niyo na ho matatakbuhan iyan at iyan ay mag-a-accumulate lang ng penalty,” banta pa ng alkalde.

