BOC

BOC-NAIA nakasabat ng P496M shabu

Jun I Legaspi Oct 5, 2026
26 Views

BOC1BOC2BOC3NASABAT ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang P496.413 milyong halaga ng shabu na tumitimbang ng 73.002 kilo sa makinaryang mula Guadalajara, Mexico.

Dumating ang kargamento noong Setyembre 26, 2026 at na-flag matapos makatanggap ng derogatory intelligence ukol sa posibleng presensya ng ipinagbabawal na gamot.

Sa X-ray scanning, nakakita ang mga awtoridad ng kahina-hinalang imahe sa loob ng tubular frames ng pelletizing machine.

Pinagtibay pa ito ng K9 Unit sweep ng PDEA na nagbigay indikasyon ng posibleng droga, dahilan upang magsagawa ng pisikal na inspeksyon.

Natagpuan ang maraming pakete ng puting kristal na substansiya na tumitimbang ng kabuuang 73,002 gramo.

Sa isinagawang field testing, nakumpirma na ito ay methamphetamine hydrochloride o mas kilala bilang shabu.

Ayon kay BOC-NAIA District Collector Atty. Maria Yasmin M. Obillos-Mapa, ang pagkakasabat ay patunay ng kahalagahan ng pagbabantay at koordinasyon ng Customs at mga katuwang na ahensya.

“Bawat kargamento na may indikasyong kahina-hinala ay dadaan sa masusing pagsusuri,” ani District Collector Obillos-Mapa.

Binanggit naman ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na ang pagkakasamsam ay nagsisilbing matinding babala sa mga indibidwal at grupong gumagamit ng lehitimong kargamento bilang panangga sa drug smuggling.

“Maaaring magbago ang ruta, pamamaraan, at taguan ng mga smuggler, ngunit nananatili ang aming paninindigan,” diin ni Commissioner Nepomuceno.