Calendar
Kelot inawat habang nakikipagtalo, nanaga, 2 sugatan
SUGATAN ang dalawang lalaki matapos umanong pagsasaksakin at pagtatagain ng isang 29-anyos na lalaki na nagalit nang awatin sa pakikipagtalo sa kapatid ng mga biktima sa Barangay Escopa 3, Project 4, Quezon City.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa alyas na “Bogard,” residente ng nasabing barangay.
Batay sa imbestigasyon ng Project 4 Police Station (PS 8), naganap ang insidente dakong alas-6:45 ng gabi noong Oktubre 2 nang umano’y pagbantaan ng suspek ang kapatid ng mga biktima at sabihin umanong, “Papatayin kita.”
Agad umanong inatake ng suspek ang isa sa mga biktima na si alyas “Wel” gamit ang ice pick at bolo. Tinamaan ito sa likod at nagtamo rin ng sugat sa kaliwang kamay.
Nang tangkaing umawat ng isa pang biktima na si alyas “Jay,” inatake rin umano ito ng suspek at nagtamo ng mga pasa sa kanang bahagi ng katawan.
Kapwa dinala sa pagamutan ang dalawang biktima para malapatan ng lunas.
Kaagad namang nagsagawa ng hot pursuit at follow-up operation ang mga tauhan ng PS 8 upang matunton ang suspek.
Dakong alas-12:30 ng tanghali nitong Oktubre 3 nang maaresto si “Bogard” habang umano’y tinatangkang tumakas mula sa kanilang bahay. Narekober din sa kanya ang isang patalim na pinaniniwalaang ginamit sa insidente.
Nabatid din na may dati nang kasong pagnanakaw ang suspek na isinampa noong Hulyo 2022.
Kinasuhan ang suspek ng frustrated homicide, grave threats at less serious physical injuries sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Pinuri ni QCPD Acting District Director PBGEN Christopher Olazo ang mga tauhan ng PS 8 sa mabilis na pagtugon at tuloy-tuloy na operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
