Estafa Isinilbi ng operatiba ng MPD SMaRT ang arrest warrant sa akusado para sa kasong estafa. JONJON C. REYES

Taga-Pampanga huli sa Ermita dahil sa estafa

Jon-jon Reyes Oct 5, 2026
27 Views

NATIMBOG ng mga operatiba ng MPD- SMaRT, ang isang 46- anyos na dalaga dahil sa kasong estafa matapos matunton sa loob ng opisina ng SMaRT na matatagpuan sa ground floor ng Manila City Hall sa Antonio Villegas St., Brgy. 659 Zone 71, Ermita, Maynila, Lunes ng tanghali.

Nakilala ang suspek na si alyas Elina, tubong San Joaquin, Iloilo, office staff, at naninirahan sa Tulip St., Phase 7 Deca Clark, Brgy. Margot, Angeles City, Pampanga.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Cicero M. Pura, chief ng SMaRT, bandang 12:15 ng tanghali nang masundan ang akusado sa loob ng nasabing himpilan.

Bitbit ng mga operatiba sa pamumuno ni Police major PMaj. Kevin Rey D Bautista , Assistant Chief, ang warrant of arrest na isinilbi sa suspek.

Ang warrant of arrest ng suspek ay inisyu ni Judge Albert J Tenorio Jr., ng Regional Trial Court, Branch 14, Maynila, at may inirekomendadong piyansa na P48,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Ipinaalam sa suspek ang kasong isinampa laban sa kanya at ipinaliwanag ang kanyang mga Karapatang Konstitusyonal sa ilalim ng R.A. 7438 gamit ang wikang nauunawaan niya, ngunit pinili niyang manatiling tahimik.

Gumamit ng alternatibong kagamitang pang-rekord (Vivo YO1 at iPhone 17 Pro Max) habang isinasagawa ang pag-aresto.

Ang inarestong akusado ay pansamantalang ikukulong sa MPD Integrated Jail. Siya ay sumailalim sa pagsusuring medikal.