Calendar
Lalaking wanted sa 3 kaso ng gahasa arestado sa Taguig
TIMBOG ang 37-anyos na wanted na pugante na kinasuhan ng paulit-ulit na panghahalay sa kanyang biktima nang matunton ng pulisya Lunes ng umaga sa Taguig City.
Pinasok ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor ang tinutuluyang bahay ni alyas Jeriel sa Phase 1, Brgy. Pinagsama dakong alas-10:20 ng umaga nang mag-positibo ang impormasyong ibinahagi sa kanila ng impormante kaugnay sa kinaroroonan ng akusado.
Matagumpay namang naisilbi sa pugante ang warrant of arrest na inilabas ni Taguig Regional Trial Court (RTC) Family Court Presiding Judge Byron G. San Pedro ng Branch 15 para sa tatlong bilang na kasong rape.
Walang piyansang inirekomenda ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ni alyas Jeriel na ipiniit muna sa Custodial Facility ng Warrant and Subpoena Section ng Taguig Police Station habang hinihintay ang paglalabas ng utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Taguig City Jail.
