Calendar

Abalos humakot ng matinding suporta sa Surigao del Sur
HUMAKOT ng matinding suporta si dating DILG Secretary at senatorial bet Benhur Abalos Jr. matapos siyang iendorso ng mga pangunahing lider ng Surigao del Sur, kabilang sina Governor Alexander Pimentel, Congressman Johnny Pimentel, Vice Governor Manuel Alameda, at buong Hugpong Surigao slate.
Sa kanyang pagharap sa mga opisyal ng lalawigan, binigyang-diin ni Abalos ang kahalagahan ng tunay na serbisyo. “Leadership is service, not power,” ani Abalos, habang binabalikan ang kanyang naging papel sa pagbago ng Mandaluyong mula sa simpleng lungsod patungong “Economic Tiger City.”
Ikinuwento rin niya ang tagumpay ng Project TEACH, isang programang tumutulong sa mga batang may kapansanan na kinilala ng United Nations, at ang pagpapatayo ng modernong pampublikong sementeryo sa Mandaluyong. Sa panahon naman ng pandemya, siya ang naging mukha ng koordinasyon sa 17 lungsod ng Metro Manila bilang pinuno ng MMDA.
Bilang kalihim ng DILG, pinangunahan niya ang internal cleansing sa hanay ng PNP at tumulong sa pagsakote ng mga high-profile na pugante.
Pinuri rin ni Abalos ang pamunuan ng Surigao del Sur sa matagumpay na pagpababa ng insurgency sa pamamagitan ng maayos na pamamahala at pagtutok sa imprastraktura.
“Ang Surigao ay patunay na kapag nagsama-sama ang liderato at mamamayan, masusugpo ang karahasan. Isa itong modelo ng inclusive leadership.”
Ibinida rin ni Abalos ang kanyang legislative agenda, kabilang ang pag-alis sa VAT sa kuryente, pag-amyenda sa Rice Tariffication Law para mas maprotektahan ang mga magsasaka, at pagbibigay ng dagdag na termino at benepisyo sa mga opisyal ng barangay.
Dumalo rin sa pulong sina Mayor Florencio Garay ng Bislig City, Vice Mayor Shem Garay, mga miyembro ng city council, at kandidato ng Hugpong Surigao na nangakong itutulak ang kampanya ni Abalos sa bawat sulok ng lalawigan.
“Napakahalaga ng ating pagpili sapagkat sila ang uugit ng mga batas at gagampan ng mahahalagang tungkulin sa susunod na anim na taon. Let’s look at their accomplishments and legislative agenda na makakatulong sa pag-unlad ng buhay ng bawat Pilipino,” ani Abalos, sabay paalala sa bigat ng halalan sa 2025.