Calendar
Abante binatikos pagharap ni VP Duterte sa media pero hindi sa impeachment court
BINATIKOS ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” M. Abante Jr. si Vice President Sara Z. Duterte dahil umano sa madalas nitong pagharap sa media habang ang kanyang mga abogado naman ang nagkukumahog na humaharap at sumasagot sa mga alegasyon laban sa kanya sa Senate Impeachment Court.
Binigyang-diin ni Abante, Chairman ng House Committee on Human Rights, mas makabubuting personal na humarap si Duterte sa impeachment proceedings upang direktang maipaliwanag ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.
“Eh, ang ating Vice President, palaging nagsasalita sa media, pero hindi humaharap sa Impeachment Court and trying to play politics with the people. Eh, humarap na siya sa Impeachment Court upang maipaliwanag lahat ng mga alegasyon tungkol sa kanya,” sabi ni Abante.
Hindi naman obligado si Duterte na personal na dumalo sa bawat pagdinig dahil kinakatawan siya ng kanyang mga abogado. Gayunman, giit pa ni Abante na patuloy siyang nagbibigay ng mga pahayag sa publiko na kumukuwestiyon sa mga ebidensyang inihaharap ng prosecution at bumabatikos sa kanyang mga political opponent.
Para kay Abante, mas makapagbibigay umano ng malinaw na paliwanag si Duterte sa mga alegasyong may kaugnayan sa mga desisyong isinagawa sa ilalim ng kanyang awtoridad.
“Kung talagang hindi dapat ma-impeach ang Vice President, eh, dapat humarap na siya, siya mismo ang sumagot,” pahayag ni Abante.
Nauna nang humarap bilang hostile prosecution witnesses sina dating Office of the Vice President Special Disbursing Officer Gina Acosta at Assistant Secretary Lemuel Ortonio sa bahagi ng paglilitis na tumatalakay sa confidential funds.
Pareho silang tinanong nang malawakan tungkol sa mga umano’y utos, direktiba at pag-apruba ni Duterte kaugnay ng paggamit ng naturang pondo.
Ayon kay Abante, may mga katanungan sa testimonya ng dalawang testigo na tanging si Duterte lamang umano ang makapagbibigay ng direktang paliwanag.
“Siya lamang ang makakasagot niyan. Siya lamang po ang Bise Presidente lang ang makakasagot lahat ng mga allegation na inihagis sa kanya,” ani Abante.
Gayunman, kinilala ni Abante na nananatiling mga alegasyon lamang ang mga paratang laban sa bise presidente hangga’t hindi pa natatapos ang paglilitis at hindi pa nagpapasya ang Impeachment Court.
“Hanggang ngayon, naniniwala po tayo na lahat ’yan allegation until such time na malaman ng Impeachment Court, totoo pala ito. Hindi na po allegation ’yan,” paliwanag ng kongresista.
Sa huli, muling hinamon ni Abante si Duterte na personal na humarap sa impeachment proceedings kung nais nitong patunayan na wala siyang pananagutan sa mga alegasyong inihain laban sa kanya.
“The Vice President kung talagang hindi siya ang mastermind ng lahat ng mga in-accuse sa kanya, humarap siya, ipaliwanag niya,” ani Abante.

