Cayton

Cayton nais palakasin guidance counseling sa mga paaralan

Mar Rodriguez Sep 3, 2026
31 Views

ISINULONG ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na naglalayong magtatag ng “national scholarship program para sa graduate studies upang palakasin guidance counseling sa bansa.

Ayon kay Cayton, ang pangunahing objective ng inilatag nitong panukala ay para magkakaroon ng pambansang scholarship program para sa mga gustong kumuha ng graduate studies, partikular sa guidance at counseling sa gitna ng malaking problema na kasalukuyang kinakaharap ng mga pribado at pampublikong paaralan bunsod ng nakaka-alarmang kaso ng “school violence” na kinasasangkutan mismo ng mga estudyante.

Pagbibigay-diin ng House Assistant Majority Leader na hindi na biro at sa halip ay kinakailangan na talagang seryosohin ang mga nagaganap na karahasan sa loob ng mga paaralan matapos ang mga trahedyang nangyari sa Tacloban City at sa Ateneo de Zamboanga kamakailan na ikinasawi at ikinasugat ng ilang estudyante.

Sinabi ni Cayton na layunin nitong paramihin at palakasin ang bilang ng mga kwalipikado at lisensiyadong guidance counselor sa bansa lalo na sa mga paaralan para magabayan ang mga mag-aaral na dumaranas ng mental health problem habang kasama na dito ang mga estudyanteng nabu-bully ng kanilang kapwa mag-aaral.

Ipinaliwanag ng kongresista na sa ilalim ng programa, maaaring mabigyan ng scholarship o tulong-pinansyal ang mga kwalipikadong estudyante na nais kumuha ng master’s degree o iba pang graduate studies na may kaugnayan sa Guidance and Counseling.

Mahalaga ito, dagdag pa ni Cayton, dahil maraming paaralan sa Pilipinas ang nakararanas ng kakulangan sa guidance counselors habang patuloy na kinakaharap ng mga estudyante ang mga problema tulad ng bullying, stress, emotional difficulties at iba pang usaping may kinalaman sa mental health.

Ayon kay Cayton, nananatiling seryosong problema sa Pilipinas ang bullying at krisis sa mental health ng mga mag-aaral, habang kapansin-pansin naman ang malaking kakulangan sa mga lisensiyadong guidance counselor sa mga paaralan.

Batay sa Programme for International Student Assessment (PISA), naitala ng Pilipinas noong 2018 ang pinakamataas na insidente ng bullying sa lahat ng bansang lumahok sa pagsusuri, kung saan 65 porsiyento ng mga Pilipinong mag-aaral ang nagsabing nakaranas sila ng bullying nang ilang beses kada buwan.

Sinabi pa ng mambabatas na noong 2022, nananatiling mataas ang bilang, kung saan humigit-kumulang 43% ng mga batang babae at 53% ng mga batang lalaki ang nag-ulat ng paulit-ulit na insidente ng bullying bawat buwan. Mas mataas ito kumpara sa average ng mga bansang kabilang sa Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) na nasa 20 porsiyento para sa mga babae at 21 porsiyento para sa mga lalaki.

Dahil dito, idineklara mismo ng Department of Education (DepEd) na ang bullying ay isang pambansang suliranin at hindi lamang problemang dapat lutasin ng bawat paaralan.

Kasabay nito, nagpapakita rin ng seryosong hamon ang kalagayan ng mental health. Ayon sa datos ng National Center for Mental Health (NCMH), umabot sa 7,189 tawag na may kaugnayan sa pagpapakamatay ang natanggap ng kanilang hotline mula Enero hanggang Setyembre 2025, na karamihan ay mula sa mga nasa edad 18 hanggang 30.

Sa kabila nito, malaking kakulangan pa rin ang nararanasan sa guidance counselors sa mga paaralan.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations noong Setyembre 3, 2025, ipinahayag ni Cayton na kinumpirma ng DepEd na mayroon lamang 4,069 lisensiyadong guidance counselor sa bansa, kumpara sa mahigit 50,000 na kinakailangan upang matugunan ang inirerekomendang ratio na isang counselor sa bawat 250 estudyante.

Layunin ng panukalang batas na gawing permanenteng pambansang programa ang pamumuhunan sa edukasyon at pagsasanay ng mga guidance counselor.

Ayon pa kay Cayton, hindi sapat ang scholarship lamang upang malutas ang napakalaking kakulangan, ngunit tutugunan nito ang isa sa pinakamahalagang hadlang—ang kakulangan mismo ng mga lisensiyadong propesyonal na maaaring kunin ng mga paaralan.

Binigyang-diin aniya sa panukala na maaaring makatulong ang mga metal detector at iba pang security equipment upang matukoy ang mga armas, ngunit guidance counselor ang may kakayahang tumukoy at tumugon sa matinding emosyonal at mental na pinagdaraanan ng isang estudyante.