Pic

NCSC tiniyak mabilis na paghahatid ng serbisyo sa mga senior citizen

Mar Rodriguez Sep 3, 2026
29 Views

IPINAHAYAG ni United Senior Citizens Party List Chairman at spokesperson Miko Magsaysay na nauwi sa maayos na dayalogo ang reklamo ng Marilag Senior Citizens Association laban sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) kaugnay ng pagkaantala sa pamamahagi ng kanilang ₱10,000 birthday cash gift.

Sinabi ni Magsaysay na personal na nakipagpulong ang isang kinatawan ng senior citizens sa mga miyembro ng Marilag Senior Citizens Association mula Quezon City, na nauna nang naghain ng reklamo sa “Anti-Red Tape Authority” (ARTA) dahil sa pagkaantala ng kanilang benepisyo sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act.

Dumalo rin sa pagpupulong si Magsaysay kasama ang mga opisyal ng NCSC na pinangunahan nina Executive Director Anna Marie Calapit at OIC Director para sa NCSC-NCR na si Dr. Edwin Dimatatac.

Nagsilbing tulay ang pagpupulong upang magkaroon ng bukas at maayos na pag-uusap sa pagitan ng mga senior citizen at ng ahensya, partikular sa kanilang mga hinaing, suhestiyon at rekomendasyon hinggil sa pagpapatupad ng mga benepisyo para sa mga nakatatanda.

Ipinahayag sa NCSC ang pang-unawa sa paghihintay ng mga senior citizen na matanggap ang kanilang birthday cash gift na itinuturing nilang mahalagang benepisyo at pribilehiyo sa ilalim ng batas.

Hiniling din sa pamunuan ng NCSC na gumawa ng mga hakbang upang maging mas mabilis, maayos at episyente ang proseso ng pamamahagi ng mga naturang benepisyo.

Bilang tugon, tiniyak ng NCSC na patuloy nitong inaasikaso ang mga pagkaantala upang mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa mga senior citizen.

Ipinaliwanag din ng ahensya na kabilang sa mga hamon na kinakaharap nito ang kakulangan sa mga empleyado at pondo na nakaaapekto sa bilis ng pagproseso at paghahatid ng mga serbisyo.

Samantala, iniulat ni Executive Director Calapit na naipamahagi na ang cash gifts sa mga miyembro ng Marilag Senior Citizens Association**, habang nagpapatuloy ang pagproseso sa mga aplikanteng nakapagsumite na ng kanilang claim forms.

Binigyang-diin naman ng mga kinatawan ng senior citizens na mahalagang magtulungan ang NCSC at mga organisasyon ng matatanda upang matiyak na naibibigay sa tamang panahon ang mga benepisyong nakalaan para sa kanila.

“Ang Komisyon na ito ay sa ating mga Ka-United Seniors, para sa lahat ng senior citizens, kaya’t kailangan nating magtulong-tulong,” sabi ni Magsaysay.

Ayon sa mga nagsulong ng dayalogo, mahalaga ang tapat na komunikasyon at pagkakaisa upang maresolba ang mga reklamo at mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo, kalinga, respeto at mga benepisyong nararapat para sa mga nakatatanda.

Sa pagtatapos ng pagpupulong, nagkamayan at nagpaabot ng magandang mensahe ang dalawang panig, na nagpapakita ng hangaring maresolba ang mga isyu sa pamamagitan ng maayos na pag-uusap at pagtutulungan.