Calendar
ABANTE MULING NANAWAGAN KAY VP SARA NA HUMARAP SA IMPEACHMENT COURT, SAGUTIN MGA PARATANG
MULING nananawagan si House Committee on Human Rights Chairperson at Manila Rep. Bienvenido “Benny” M. Abante Jr. kay Vice President Sara Z. Duterte na personal na humarap sa Senate Impeachment Court upang siya mismo ang sumagot sa mga alegasyong ibinabato laban sa kanya.
Ayon kay Abante, panahon na umano para personal na dumalo si Duterte sa impeachment proceedings at ipaliwanag ang kanyang panig.
“Ang sinasabi namin, she should now appear before the impeachment court. Huwag niyang insultuhin ’yung impeachment court. Mag-appear na siya,” sabi ni Abante.
Gayunman, nilinaw ni Abante na ang kanyang panawagan ay hindi nangangahulugang hinuhusgahan na niya na guilty si Duterte sa mga kasong impeachment.
“We’re not saying na talagang guilty siya. Hindi gano’n,” aniya.
Iginiit ng mambabatas na mahalagang marinig mismo mula sa bise presidente ang mga sagot sa mga alegasyong inihain laban sa kanya dahil, aniya, si Duterte mismo ang higit na makapagpapaliwanag sa mga desisyong iniuugnay sa kanyang tanggapan.
“Ako, naniniwala pa rin ako, it is important for the Vice President to appear before the impeachment court, sapagkat siya lamang talaga ang makakasagot ng lahat ng allegation laban sa kanya,” dagdag ni Abante.
Nahaharap si Duterte sa apat na Articles of Impeachment na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, umano’y panunuhol sa Department of Education, at mga alegasyon ng pagbabanta at destabilization.
Sa kasalukuyan, tinatalakay ng House prosecution team ang Article I na tumutukoy sa umano’y maling paggamit, maling paggastos at iregular na liquidation ng kabuuang ₱612.5 milyon na confidential funds.
Isa si Abante sa mga lumagda sa isa sa mga impeachment complaint na inihain laban kay Duterte sa Kamara. Ang mga reklamong ito ang naging bahagi ng batayan sa mga Articles of Impeachment na kalaunan ay inaprubahan ng Kamara at ipinadala sa Senado para sa paglilitis.
Binigyang-diin ni Abante na hindi dapat mauwi sa partidistang politika ang impeachment proceedings dahil ang pangunahing layunin umano nito ay malaman ang katotohanan at matukoy kung may pananagutan.
“This is beyond politics. This is about the truth,” ani Abante.
Sabi ni Abante, kailangang malaman ng publiko kung ano ang tunay na nangyari at kung saan nag-ugat ang mga alegasyong kinahaharap ng bise presidente.
“Ang kinakailangan po malaman ng taong-bayan kung ano ang puno’t dulo nito at kung ano ang katotohanan tungkol dito,” dagdag nito.
Nilinaw din ni Abante na hindi layunin ng prosecution team na agad patunayang guilty si Duterte, kundi alamin kung naaayon sa kanyang mandato bilang bise presidente ang mga naging aksyon at desisyon nito.
“We’re not trying to establish guilt here. What we’re trying to establish ito, tama ba ’yung ginawa ng ating Vice President? ’Yan po ba ’yung mandato niya?” ani Abante.
Para kay Abante, makatutulong kung mismong si Duterte ang magpapaliwanag sa harap ng impeachment court upang marinig ng publiko ang kanyang panig tungkol sa mga isyung kinakaharap niya.
“I think that is just proper for the people to really hear from the Vice President kung ano talaga ang mga totoong nangyari dito,” pagtatapos ni Abante.

