Abante

Abante: NBI dapat imbestigahan pamilyang Duterte sa posibleng planong destab

25 Views

HINIMOK ni House Committee on Human Rights Chair Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng Maynila ang National Bureau of Investigation (NBI) na palawakin ang imbestigasyon laban sa pamilyang Duterte, babala na ang mga ebidensiya sa impeachment ay hindi lamang tumutukoy sa umano’y “kill threat” laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kundi pati sa posibleng koordinadong planong destabilization.

Ginawa ni Abante ang panawagan habang dinidinig ng House Committee on Justice ang testimonya ng NBI noong Miyerkules, ilang oras bago nito ideklara ang probable cause upang i-impeach si Bise Presidente Sara Z. Duterte sa dalawang natitirang reklamo, na pagsasamahin ng komite bago isumite ang ulat sa plenaryo.

Sentro ng testimonya ng NBI ang press conference noong Nobyembre 23, 2024 kung saan sinabi ni Duterte na may nakausap siyang tao at inutusan nitong ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya ay mapaslang. Ayon sa NBI, tunay ang video, hindi binago, at hindi gawa ng artificial intelligence.

Ayon kay Abante, na isa sa mga nag-endorso ng impeachment complaint, hindi dapat tingnan ang insidenteng ito nang hiwalay at kailangang isaalang-alang kasama ng iba pang pahayag at sinumpaang testimonya na iniharap sa komite.

“Kanina po pinapakinggan ko ang mga clarificatory questions sa NBI. Let me spin the statement of Mayor Baste on the Mussolini and the Romanovs in relation to the statement of VP Sara on her being the designated survivor,” ani Abante sa pagdinig noong nakaraang Miyerkules.

Tinutukoy niya ang pahayag ni Davao City Mayor Sebastian Duterte na binanggit ang Romanovs ng Russia at si Benito Mussolini ng Italya—mga personalidad na nauugnay sa marahas na pagbagsak ng mga rehimen. Pinatay ang mga Romanov ng mga Bolshevik noong 1918, habang si Mussolini—alyado ni Adolf Hitler—ay pinaslang ng mga partisan noong 1945.

“Palagay ko related po ito eh sapagkat ang pinapalagay po ni Mayor Baste, sa aking palagay, ang mga Romanov at Mussolini, ‘yun po ‘yung ating Pangulo. Pero ano po naman sila (Dutertes)? Sila po ‘yung Bolshevik at Italian partisan na pumatay kay Mussolini. ‘Yan lang po ang ibig sabihin niyan,” ani niya.

Ayon kay Abante, ang mga sangguniang ito, kasama ang pahayag ni Duterte tungkol sa pagiging “designated survivor” noong hindi siya dumalo sa State of the Nation Address (SONA) 2024, ay nagpapahiwatig ng naratibong inaasahan ang marahas na pagpapatalsik sa nakaupong pangulo at paglipat ng kapangyarihan.

Binanggit din niya ang pagdalo ni Duterte sa mga prayer rally na sumusuporta sa nakakulong na ebanghelistang si Apollo Quiboloy, kung saan may mga pahayag na kumukuwestiyon sa lehitimidad ng pamumuno ni Marcos—na ayon sa kanya ay nakadaragdag sa mga tangkang pahinain ang pamahalaan.

Ibinatay ni Abante ang kanyang pangamba sa sinumpaang salaysay ng umano’y “bagman” ng mga Duterte na si Ramil Madriaga na iniharap sa komite.

“Kung matatandaan po natin, binanggit ni Ginoong Madriaga na pinagkasunduan ni former President Rodrigo Roa Duterte at PBBM na tatakbong vice-president si VP Duterte pero nang mag-2025 si PBBM daw ay pumayag na bumaba sa pwesto at iiwan ang pagka-presidente kay VP Duterte,” aniya.

Dagdag niya, layunin umano nito na maupo si Duterte bilang pangulo bago matapos ang termino habang nananatiling kwalipikadong tumakbo sa 2028.

“At kung hindi kusang loob bumaba sa posisyon si PBBM para maging Pangulo si VP Duterte ay meron silang gagawing extraordinary measures na pwedeng gawin kasama dito ang sabi ni Madriaga na assassination, mass resignation of government officials, civil disobedience at armed assault on Malacañang,” dagdag niya.

Ayon kay Abante, ang pagsasama-sama ng mga pahayag, kilos, at testimonya ay hindi maaaring ituring na nagkataon lamang.

“So para sa akin, hindi maiiwasang mapansin na ang mga aksyon ni VP Duterte ay tugma sa inilahad ni Ginoong Madriaga. ‘Yan lang po ang gusto kong sabihin at ito ay nalalaman at narinig ng taong bayan. Ibig sabihin hindi lang po tayo ang huhusga dito kundi ang huhusga dito ay buong sambayanang Pilipino,” aniya.

Sa pagdinig, kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag na may intelligence ukol sa mga umano’y loyalista ng Duterte, kabilang ang ugnayan sa pulisya at militar, na lumitaw sa 2024 House quad-committee inquiry kaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operators, drug trafficking, at mga pagpaslang na may kinalaman sa war on drugs noong nakaraang administrasyon.

Hinimok ni Abante ang NBI na ituloy ang linyang ito ng imbestigasyon, at binanggit na sa mga naunang talakayan ay may hanggang 2,000 umano na loyalista ng Duterte—mas mataas kumpara sa humigit-kumulang 500 security personnel na nakatalaga sa Bise Presidente.

Dahil dito, kinilala ni Committee Chair Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas ang paglipat ng pokus ng diskusyon.

“With the clarificatory questions of Chair Benny Abante we have crossed towards destabilization. That is for the guidance of the Justice members,” ani Luistro.

Ang pagdinig na ito ang huling yugto ng komite sa pagtukoy ng probable cause sa mga reklamong impeachment, na kinabibilangan ng mga alegasyon ng “kill threat,” maling paggamit ng confidential funds, at hindi maipaliwanag na yaman.

Sa pagkumpirma ng NBI sa pagiging tunay ng mahahalagang video na ebidensiya, ipinapakita ng panawagan ni Abante ang posibleng pagpapalawak ng saklaw ng imbestigasyon—mula sa posibleng pananagutang kriminal tungo sa mas malawak na pagsusuri sa mga umano’y tangkang pahinain ang kaayusang konstitusyonal.