Citizens Larawan:U.S. Embassy in the Philippines/FB

US Embassy naglabas ng security alert sa PH

20 Views

NAGBABALA ang U.S. Embassy in the Philippines sa mga Amerikanong nasa bansa kaugnay ng pinaigting na operasyon ng Armed Forces of the Philippines laban sa New People’s Army sa ilang lalawigan.

Ayon sa embahada, may mga Amerikanong nadamay sa mga nagdaang military operations, kabilang ang engkuwentro noong Abril 19, 2026 na ikinasawi ng dalawang U.S. citizens.

Tinukoy na mga lugar na may mataas na banta ang mga probinsya ng Leyte, Mindoro, Negros, at Samar, partikular sa mga bulubundukin at liblib na lugar kung saan nagaganap ang sagupaan.

Binigyang-diin ng embahada na ang NPA ay itinuturing na foreign terrorist organization ng parehong pamahalaan ng Estados Unidos at Pilipinas, at sinumang mapalapit sa grupo ay nanganganib maaresto, masugatan, o mapatay.

Pinayuhan ang mga Amerikano na iwasan ang pakikipag-ugnayan sa mga armadong grupo, agad lumikas kung may makitang kahina-hinalang presensya ng armadong indibidwal, at tiyaking rehistrado sa tamang ahensya ang anumang humanitarian activity.

Hinimok din ang mga U.S. citizens na mag-enroll sa Smart Traveler Enrollment Program (STEP) at makipag-ugnayan sa embahada para sa agarang tulong sakaling magkaroon ng emergency.