Calendar
Abante: Umano’y plano ni VP Sara noong 2024 na ipapatay si PBBM, isang ‘high crime’, malinaw na batayan para sa impeachment
SINABI ni House Committee on Human Rights Chair Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng Maynila nitong Linggo na ang umano’y plano noong 2024 ni Bise Presidente Sara Z. Duterte na ipapatay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay maituturing na isang “high crime” at malinaw na batayang konstitusyonal para sa impeachment.
“Impeachable offense ‘yan pagdating sa tinatawag nating high crimes. Kasama ito sa ikaapat na impeachment complaint, at para sa amin, hindi ito ordinaryong bagay na maaaring sabihin ng isang pangalawang pangulo,” ani Abante sa panayam sa dzBB’s Bantay Balita sa Kongreso kasama sina Isa Avendaño-Umali at Nimfa Ravelo.
Si Abante, na isa sa mga nag-endorso ng ikaapat na impeachment complaint na inihain ng abogadong si Nathaniel Cabrera laban kay Duterte, ay nagsalita bago ang pagdinig ng House Committee on Justice na tututok sa naturang banta.
“Para sa amin, ito ay impeachable offense dahil malinaw na paglabag ito sa mandato ng Bise Presidente. Sa totoo lang, para sa amin, may probable cause na,” aniya.
Binanggit sa ikatlo at ikaapat na reklamo ang umano’y banta ni Duterte noong 2024 na ipapatay sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Nag-ugat ang alegasyon sa mga pahayag na iniuugnay kay Duterte na may nakausap umano siyang hired killer upang targetin ang matataas na opisyal—mga pahayag na itinuring ng mga awtoridad bilang seryoso o “aktibong banta.”
Napag-alaman na ng House Committee on Justice na sapat ang porma, substansya, at batayan ng mga reklamo at kasalukuyan nang tinutukoy kung mayroong probable cause.
Nakatakdang tutukan ng komite ang naturang banta sa susunod nitong pagdinig sa Abril 29, kung saan inaasahang dadalo bilang resource persons ang mga opisyal mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Abante, ang bigat ng alegasyon, kasama ang posisyon ni Duterte, ay lalong nagpapakita ng seryosong batayan nito para sa impeachment.
“Mabigat ‘yan dahil hindi ordinaryong tao ang nagbitiw ng banta. Tandaan ninyo, siya ang ikalawang pinakamakapangyarihang tao sa bansa,” aniya.
Dagdag pa niya: “At hindi lang ito simpleng salita. Sinabi pa niya na may kinausap na siyang assassin. Isa pa itong seryosong usapin.”
Tinanggihan niya ang pahayag na maaaring ituring lamang ito bilang bugso ng damdamin.
“Kahit pa emosyonal iyon, ang katotohanang isinapubliko niya ito ay nangangahulugang may pananagutan siya. Ang mga lider ng bansa ay dapat marunong magpigil ng emosyon. Hindi maaaring magsalita ng kung anu-ano sa publiko,” ani Abante.
Sinabi ni Abante na inaasahang maririnig ng komite ang pahayag ni Director Melvin Matibag at iba pang opisyal ng NBI upang linawin ang mga pangyayari kaugnay ng umano’y banta, bilang bahagi ng mandato nito na alamin kung mayroong probable cause upang iakyat ang kaso sa plenaryo at kalaunan sa Senado para sa paglilitis.

