Bohol

Aboitiz, ala-San Miguel, hawak na Bohol airport

Jun I Legaspi Jun 16, 2025
281 Views

INILIPAT na ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Aboitiz InfraCapital (AIC) ang pamamahala at operasyon ng Bohol-Panglao International Airport (BPIA) noong Hunyo 16.

Ang turnover ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at kalihim ng Transportasyon na si Vince Dizon na palawakin ang koneksyon, pagandahin ang karanasan ng mga pasahero at itaguyod ang inklusibong pag-unlad ng ekonomiya sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP).

Ang Bohol-Panglao International Airport ay matagal nang nagsisilbing mahalagang transport hub sa Central Visayas na nagbibigay ng koneksyon sa mga lokal at internasyonal na manlalakbay at nagpapalakas ng aktibidad ng ekonomiya sa rehiyon.

Sa ilalim ng proyektong ito, inaasahang tataas ang kapasidad ng paliparan sa hanggang 3.9 milyong pasahero bawat taon upang matugunan ang lumalaking pangangailangan para sa turismo at paglalakbay sa Bohol at mga kalapit na probinsya.

Pinagtitibay ng CAAP, sa pamamagitan ng Department of Transportation, ang PPP bilang estratehiya sa modernisasyon ng imprastruktura ng aviation at pagpapabuti ng serbisyo sa paliparan sa buong bansa.

Mananatili itong nakatuon sa pagbibigay ng regulasyon, teknikal na kakayahan at gabay sa pribadong sektor upang matiyak ang tagumpay sa pagpapaunlad ng isang makabagong sektor ng aviation.