Calendar
Accreditation ng 12 driving school binawi ng LTO
TULUYANG binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang accreditation ng 12 driving school sa Metro Manila matapos mabigong sumunod sa mga itinakdang patakaran ng ahensya.
Ayon sa LTO, dumaan sa masusing pagsusuri ang mga paaralan kasunod ng mga inilabas na Show Cause Order laban sa kanila, kung saan napatunayang may iba’t ibang paglabag sa umiiral na regulasyon.
Base sa imbestigasyon, ilan sa mga paglabag ay may kinalaman sa maling representasyon ng operasyon, paggamit sa accreditation sa hindi tamang paraan, at hindi pagsunod sa itinakdang standards ng LTO.
Dahil dito, hindi na pinahihintulutang mag-operate bilang LTO-accredited driving schools ang mga nasabing establisyimento.
Giit ni LTO Chief Asec. Markus V. Lacanilao, mahalagang mapanatili ang kalidad at kredibilidad ng driver education.
“Hindi namin kukunsintihin ang anumang paglabag na sumisira sa integridad ng driver education. Driver education must remain credible, and we will ensure that only compliant institutions are allowed to operate,” aniya.
Dagdag pa ng ahensya, tuloy-tuloy ang kanilang pagbabantay sa mga driving school upang matiyak ang kaligtasan sa kalsada at maitaguyod ang disiplina sa mga motorista.

