Tulfo

Tulfo sa DOLE: Labor inspections dapat nakabatay sa kalidad, di sa dami

25 Views

IDINIIN ni Senador Raffy T. Tulfo nitong Miyerkules sa Department of Labor and Employment o DOLE na suriin kung maayos bang ginagawa ng mga labor inspector nito ang kanilang tungkulin, at sinabing nananatiling usapin ang mga alegasyon ng illegal contractualization at iba pang unfair labor practices sa kabila ng umiiral na mga patakaran.

Sa pagdinig ng Senado hinggil sa mga panukalang anti-endo at security of tenure, sinabi ni Tulfo na dapat nakatuon ang pagpapatupad sa kalidad ng inspeksiyon at hindi lamang sa dami ng inspectors. Aniya, patuloy pa ring lumilitaw ang mga labor complaints at mga alegasyon ng paglabag sa kabila ng Labor Code, DOLE Department Order No. 174, at mga desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing ilegal ang labor-only contracting schemes.

“You should investigate if your inspectors are doing their jobs properly. Quality not quantity. There should be an assessment and you should make sure that your labor inspectors are properly evaluated,” ani Tulfo sa halo-halong English at Filipino.

Sa kanyang opening statement, sinabi ni Tulfo na ipinatawag niya ang pagdinig upang talakayin ang kalagayan ng dalawang bulnerableng grupo ng mga manggagawa — ang mga contractual at yaong nasa informal economy — sa panahong humaharap din sila sa pagtaas ng presyo ng langis, kuryente, at mga pangunahing bilihin na iniugnay niya sa krisis sa Middle East. Nagbabala siya na maaaring gamitin ng mga kumpanya ang sitwasyon para mag-cost cutting, magbawas ng empleyado, o tuluyang magsara, na mga manggagawa ang pinakamaaapektuhan.

Ikinuwento rin ni Tulfo na nang mag-inspeksiyon siya sa ilang establisimyento noong nakaraang taon, nakita niyang marami sa mga manggagawa sa pabrika ang pakyawan, agency-hired, at hindi pa rin regular kahit matagal nang nagtatrabaho. Aniya, marami sa kanila ang walang overtime pay, 13th-month pay, SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG, habang ang iba ay umano’y tumatanggap pa ng sahod na mas mababa sa minimum wage.

Sinabi ni Tulfo na may ilang manggagawa mula sa isang kumpanyang una na niyang nainspeksiyon ang kalaunang natanggal sa trabaho at nagsampa ng kanilang reklamo sa National Labor Relations Commission matapos tanggihan ang itinuring nilang hindi sapat at hindi makatarungang alok. Idinagdag niya na daan-daang manggagawa na ang lumapit sa kanyang programa na nagsasabing biktima sila ng endo o illegal contractualization.

Sinabi ni Tulfo na hindi naman ilegal sa sarili nito ang job contracting at ginagawa rin ito sa ibang bansa, ngunit kailangan aniyang malinaw na tukuyin kung ano ang pinapayagan at ipinagbabawal. Aniya, hindi na dapat pinahihintulutan ang “nefarious practice of ENDO” at mga scheme gaya ng “5-5-5” o Cabo system, kasabay ng pagbanggit na dapat ding balansehin ito upang hindi magsara ang mga kumpanya at mawalan ng trabaho ang mga manggagawa.

“It is high time to adopt clearer parameters and enforce stricter punishment to those fly-by-night contractors who prey upon our laborers,” dagdag niya.

Tinalakay rin sa pagdinig ang mga panukala para sa Magna Carta ng mga manggagawa sa informal economy at humingi rin ng paglilinaw sa DOLE hinggil sa pagpapatupad ng TUPAD, kabilang ang Tuloy Pasada program para sa mga tsuper ng jeep. Sinabi ni Tulfo na may ilang driver pa umanong hindi alam ang naturang ayuda, kaya lumilitaw ang tanong kung agad bang naipararating ang suporta sa mga dapat makatanggap nito.