Calendar
Acidre inudyok Senado na tumutok sa paglilitis kay VP Sara
HINIMOK ni House Committee on Higher and Technical Education chair Jude Acidre ang Senado na tutukan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa halip na buhayin pa ang hiwalay na imbestigasyon kaugnay ng flood-control controversy.
Ayon kay Acidre, mas mabuting hayaang ituloy ng Ombudsman ang imbestigasyon dahil may mga kasong naisampa na at nasa tamang proseso na ito.
“Mas gusto kong hayaang magpatuloy ang imbestigasyon ng Ombudsman dahil ang tamang forum para rito, matapos ang mga imbestigasyon, ay nasa korte na,” ani Acidre sa panayam sa One PH’s Morning Matters.
Sinabi niya na dapat pairalin ang parehong due process sa flood-control issue at sa impeachment trial ni Duterte.
“Hayaan nating umusad ang proseso batay sa ebidensya. Iyan din ang disiplina at due process na ibinibigay natin sa Vice President sa impeachment trial,” diin niya.
Babala ni Acidre, magiging sagabal lamang at lalo pang magpapalabo sa mga isyu kung sabay-sabay bubuksan ang lahat ng kontrobersya habang papalapit ang impeachment trial.
“Ang shortcuts ay magdudulot lang ng distractions at magpapalabo sa isyu,” dagdag niya.
Iginiit din niya na dapat magpokus ang Senado sa papel nito bilang impeachment court dahil ito lamang ang may kapangyarihang mag-acquit o mag-convict sa Vice President.
“Mas mabuting ilaan nila ang kanilang oras at enerhiya sa kanilang tungkulin bilang senator-judges,” ani Acidre.

