Acidre

Acidre: Mahalaga ang panalangin, pamumuno ng Simbahan sa gitna ng krisis sa impeachment

22 Views

SINABi ni TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre nitong Linggo na naging mahalaga ang panalangin at paggabay ng Simbahang Katolika habang humaharap ang bansa sa tumitinding tensiyong politikal kaugnay ng kasong impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte at sa mga kamakailang kaguluhan sa Senado.

Ginawa ni Acidre ang pahayag matapos siyang makiisa sa ibang mambabatas at mga debotong Katoliko sa Mass for Peace and Accountability na ginanap sa EDSA Shrine, kung saan si Navotas Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang pangunahing tagapanguna ng misa.

“Sa panahon ng kaguluhan at pag-aalinlangan, panalangin ang naging matibay nating sandigan,” ani Acidre, na siya ring tagapangulo ng House Committee on Higher and Technical Education.

Dagdag pa niya: “Habang hinaharap natin ang political crisis na ito, lalo na sa gitna ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte at ng mga kamakailang marahas na pangyayari sa Senado, patuloy tayong kumakapit sa kalooban ng Diyos at sa pag-asa na ang katotohanan, katarungan, at kabutihan ay mananaig.”

Bukod kay Acidre, dumalo rin sa misa sina Akbayan Party-list Rep. Percival Cendaña, Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, Manila 3rd District Rep. Joel Chua, Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor, at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.

Sina De Lima, Chua, Defensor, at Ridon ay kabilang sa 11 mambabatas na naunang pinili ng House of Representatives upang magsilbing prosecutors sa impeachment trial ni Duterte sa Senado.

Ayon kay Acidre, lalong naging mahalaga ang papel ng Simbahan sa gitna ng takot, galit, at pagkakahating politikal.

“Dito at ngayon, higit nating nakikita ang kahalagahan ng kalinga ng Simbahan at ng pangunguna ng mga taong Simbahan,” aniya.

“Sa gitna ng takot, galit, at pagkakahati, ang kanilang tinig ay nagpapaalala sa atin na may landas ng kapayapaan, paghilom, at pananagutan,” dagdag pa ni Acidre.

Sinabi rin niya na patuloy na ipinapaalala ng Simbahan sa mga Pilipino na ang pananampalataya ay dapat magsilbing inspirasyon para sa tapang, malasakit, at pananagutan sa panahon ng krisis.

“Sa kanilang paggabay, mas nagiging malinaw na ang pananampalataya ay hindi lamang takbuhan sa oras ng krisis, kundi lakas upang harapin ito nang may tapang, malasakit, at pag-asa,” aniya.