Calendar
Tulfo itinutulak mas malalim na imbestigasyon sa pamamaril sa Senado
IHAHAIN ni Sen. Erwin Tulfo sa plenaryo ng Senado ang pangangailangan ng maayos na koordinasyon, kooperasyon at mas malalim na imbestigasyon sa pamamaril sa Senado.
Kailangang malaman ang buong katotohanan sa likod ng insidente, kabilang kung sino ang nag-utos, sino ang mga sangkot at kung nasunod ba ang tamang security protocols.
“We need the truth,” ani Tulfo. Ayon pa kay Tulfo, hindi dapat gawing banggaan ng mayorya at minorya ang insidente dahil reputasyon ng Senado ang naapektuhan.
Nilinaw niya na sa simula ay kasama ang minority senators sa nakatakdang caucus dahil ang unang pagkakaalam nila ay all-senators caucus ito.
Pero pagsapit ng alas-4:00 ng hapon, nagbago ang arrangement matapos sabihin ni Senate President Alan Peter Cayetano na para na lamang sa majority ang caucus.
“Gusto ko liwanagin na hindi kami umalis gaya ng pinalalabas na kami ay nawala. Hindi nila kami isinasama sa caucus ng mga oras na yun. Anong gagawin namin?” paglilinaw ni Tulfo.
Mahalaga ang mga video, ulat at dokumentasyon upang malinaw na maitatag ang mga pangyayari at maiwasan ang haka-haka.
Ayon kay Tulfo, dapat matukoy ng Senado kung may tunay na banta, kung may pinaputok na warning shot, kung sino ang nagpaputok, at kung makatwiran ba ang naging tugon sa sitwasyon.
Dapat din aniyang repasuhin ng Senado ang koordinasyon nito sa mga law enforcement agency upang maiwasang maulit ang ganitong insidente.
Samantala, itinanggi ni Tulfo na may namumuong panibagong Senate coup.
Ayon kay Tulfo, pinaghahanda ni Cayetano ang mga senador sa Lunes para sa pag-convene ng Senado bilang impeachment court.
Nag-ugat ang kontrobersiya sa tensyon kaugnay ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na nanatili sa loob ng Senado sa gitna ng mga ulat hinggil sa arrest issue na may kaugnayan sa International Criminal Court.
Iginiit niya na walang sinuman ang nasa ibabaw ng batas, ngunit dapat ding protektahan ng Senado ang sarili nito bilang institusyon habang iginagalang ang due process at accountability.
Ayon kay Tulfo, kailangan ang isang kapani-paniwala at transparent na imbestigasyon upang maayos ang pinsalang idinulot ng insidente at maibalik ang tiwala ng publiko sa institusyon.
Inaasahang magpapatuloy ang sesyon ng Senado habang nananatili ang mga tanong hinggil sa insidente, sa sitwasyon ni Dela Rosa at sa susunod na hakbang ng kapulungan sa iba pang sensitibong usapin, kabilang ang impeachment process laban kay Vice President Sara Duterte.

