Tulfo

Tulfo isinulong pagpasa ng Magna Carta para sa Media

29 Views

MULING nanawagan si Senator Erwin Tulfo na ipasa ang panukalang Media Workers’ Magna Carta matapos malagay sa panganib ang mga mamamahayag na nagko-cover sa Senado sa gitna ng insidente ng putukan noong Mayo 13.

Sinabi ni Tulfo, dating broadcaster, na ipinakita ng insidente ang mga panganib na hinaharap ng mga mamamahayag sa pagko-cover ng mahahalagang pangyayari kahit wala silang pagsasanay sa police o combat reporting.

“Malaki ang papel na ginagampanan ng mga mamamahayag sa paglalabas ng katotohanan kung ano ang tunay na nangyari sa barilan. Sino ba ang unang nagpaputok?,” ani Tulfo sa isang panayam sa radyo.

Ayon sa senador, makatutulong ang presensya ng media upang maitala kung nasunod ng security at law enforcement personnel ang tamang protocol habang nagaganap ang insidente.

“Dapat ay hinayaan ng mga awtoridad sa pinangyarihan ang mga reporter at cameraman na mag-cover sa lugar,” ani Tulfo.

“Magsisilbi itong patunay na sumunod sa protocol ang mga security at law enforcement unit. Proteksyon din ito para sa kanila dahil kapag nalaman na may presensya ng media, magdadalawang-isip silang magpaputok ng baril,” dagdag niya.

Sinabi ni Tulfo na karamihan sa mga reporter na nasa Senado noong insidente ay regular na naka-assign sa Senate beat at hindi sanay sa mapanganib na sitwasyong may putukan.

“Halimbawa, ang Senate media ay hindi sanay sa mga ganitong uri ng barilan. Tiyak na na-trauma sila—nakarinig pa nga tayo ng ilang reporter na umiiyak habang nagbabalita nang live. Ganoon katindi ang panganib na hinarap nila sa mga sandaling iyon,” sabi niya.

Dahil dito, sinabi ni Tulfo na dapat nang isulong ang pagpasa ng Senate Bill No. 249, o ang panukalang Magna Carta for Workers in the Media and News Industry Act.

Layunin ng panukala na bigyan ang media workers ng mas maayos na proteksiyon at benepisyo sa trabaho, kabilang ang pamantayan sa minimum compensation, overtime at night shift differential pay, security of tenure, hazard allowance, at insurance benefits.

“Ang panukalang ito ay hindi lamang tungkol sa pagpapabuti ng pangkabuhayang aspeto ng mga mamamahayag, kundi pagkilala rin ito sa kanilang dignidad at karapatan habang sila ay nasa frontline upang ipaglaban ang malayang pamamahayag,” ani Tulfo.

Sinabi niya na ang panganib na hinarap ng Senate reporters ay isa lamang halimbawa ng araw-araw na peligro na kinakaharap ng mga Pilipinong mamamahayag sa kanilang trabaho.

“Ang insidente noong Mayo 13 sa Senado na nagbanta sa kaligtasan ng mga Pilipinong reporter ay isa lamang sa mga pang-araw-araw na pakikibakang kinakaharap nila. Ibigay natin sa kanila ang kabayaran at suporta na nararapat para sa kanila,” ani Tulfo.