Acidre

ACIDRE MALUGOD SA PAGSULONG SA SENADO NG PERMANENTENG MERIT SCHOLARSHIP PROGRAM

Mar Rodriguez Sep 6, 2026
126 Views

MALUGOD na tinanggap ni TINGOG Party List Rep. Jude A. Acidre, Chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, ang patuloy na pagsulong sa Senado ng panukalang “Presidential Merit Scholarship Program Act”.

Ayon kay Acidre, ipinapakita ng panukala ang nagkakaisang hangarin ng Kongreso na matiyak na hindi magiging hadlang ang kahirapan sa mga karapat-dapat at mahuhusay na Pilipinong estudyante upang maabot ang kanilang buong potensiyal.

“Ang pinakapuso ng panukalang ito ay isang simpleng prinsipyo: ang isang kabataang Pilipino na nagpakita ng pambihirang kakayahan, disiplina at determinasyon ay hindi dapat mapigilang maabot ang kanyang potensiyal dahil lamang sa kalagayang pinansyal,” ani Acidre.

Naaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlong pagbasa ang House Bill No. 8477 o ang Presidential Merit Scholarship Program Act, na pangunahing inakda at itinaguyod ni Acidre sa Kamara de Representantes.

Layunin ng panukala na hindi lamang palawakin ang access sa higher education at technical-vocational training, kundi tiyakin ding mabibigyan ang mga estudyante ng kinakailangang suporta upang manatili sa paaralan, makatapos ng pag-aaral at magamit nang makabuluhan ang kanilang kaalaman at kakayahan.

“Ang layunin ay hindi lamang buksan ang mga pintuan ng higher education at technical-vocational training, kundi bigyan ang mga mahuhusay na estudyante ng suportang kailangan nila upang manatili sa paaralan, makatapos ng pag-aaral at kalaunan ay magamit nang makabuluhan ang kanilang kaalaman at kakayahan,” pahayag ni Acidre.

Ang katumbas na bersyon sa Senado ay nakabatay sa umiiral na “Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program” at naglalayong suportahan ang mga karapat-dapat na estudyante, partikular ang mga kumukuha ng mga kursong mahalaga sa pag-unlad ng bansa.

Binigyang-diin ni Acidre ang kahalagahan ng pagsasabatas at pag-institutionalize ng scholarship program upang magkaroon ng mas malaking katiyakan ang mga estudyante at kanilang pamilya.

Ayon pa sa kongresista, hindi dapat nakadepende ang oportunidad para sa mahuhusay na kabataang Pilipino sa prayoridad ng isang partikular na administrasyon o sa taunang desisyon sa budget.

“Ang mga oportunidad para sa mahuhusay na kabataang Pilipino ay hindi dapat nakadepende sa prayoridad ng isang partikular na administrasyon o sa mga desisyong ginagawa bawat taon para sa budget. Ang permanenteng programa ay nagbibigay ng mas malaking katiyakan sa mga estudyante at pamilya at nagtatatag ng pangmatagalang pambansang commitment na kilalanin ang kahusayan at linangin ang potensiyal,” sabi pa ni Acidre.

Ayon sa mambabatas, makatutulong din ang panukalang scholarship program sa mas malawak na layunin ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na suriin kung paano higit na mapalalakas ang education system ng bansa—mula basic education hanggang higher education at technical-vocational training, hanggang sa paghahanda sa produktibong trabaho at serbisyo sa bayan.