Barbers

BARBERS NAGBABALA SA UMANO’Y PRESENSIYA NG WARSHIPS SA SAMAR

Mar Rodriguez Sep 6, 2026
136 Views

NAGPAHAYAG ng pagkabahala si dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers kaugnay ng iniulat na presensiya ng apat na barkong pandigma ng dayuhan sa karagatan malapit sa Hilabaan, Eastern Samar.

Hinimok ni Barbers, dating Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, ang mga opisyal ng Department of National Defense (DND), Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) na agad na beripikahin ang ulat, mahigpit na subaybayan ang galaw ng mga naturang barko at magsagawa ng nararapat na aksiyon.

Ayon kay Barbers, hindi dapat balewalain ang naturang ulat bilang karaniwang aktibidad sa karagatan, lalo na’t sinasabing kabilang sa formation ang dalawang missile destroyer at dalawang frigate na naiulat na kumikilos sa loob o malapit sa karagatang sakop ng Pilipinas.

“Ang mga ito ay inilalarawan bilang mga PLAN warship na may kakayahan para sa air defense, long-range strike at anti-submarine warfare,” ani Barbers.

Ayon kay Barbers, kailangang maging mapagmatyag ang mga awtoridad sa anumang pagkilos ng mga dayuhang barkong pandigma malapit sa mga lugar na mahalaga sa pambansang interes ng Pilipinas.

“Ito mismo ang uri ng development na kailangang bantayang mabuti ng ating defense at maritime authorities. Dapat nating malaman kung sino ang mga barkong ito, saan sila patungo, ano ang kanilang ginagawa at bakit sila kumikilos sa ating paligid,” ani Barbers.

Binigyang-diin ng dating kongresista na ang pagiging mapagmatyag ay hindi nangangahulugang naghahanap ang Pilipinas ng komprontasyon.

Ayon pa kay Barbers, may karapatan ang bansa na magkaroon ng malinaw at tumpak na maritime picture tuwing may mga dayuhang barkong militar na kumikilos malapit sa mga lugar na saklaw ng pambansang interes.

Hinimok nito ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Navy at Philippine Coast Guard na magtulungan sa pagberipika ng ulat, pagdodokumento sa galaw ng mga barko at pagtukoy kung naaayon sa international law at umiiral na maritime practices ang kanilang mga aktibidad.

“Hindi natin kayang maging kampante. Hindi natin kailangang mang-provocate ng sinuman, pero hindi rin tayo dapat mahuling natutulog habang gumagalaw ang mga dayuhang barkong pandigma sa ating maritime neighborhood. Nagsisimula ang soberanya sa pag-alam kung ano ang nangyayari sa sarili nating bakuran—at sa pagkakaroon ng kakayahan at determinasyong tumugon kung kinakailangan,” ani Barbers.