Calendar
Acidre: Pahayag na may ‘functional control’ si Romualdez ay labis na pagpapalagay, imposibleng mangyari sa proseso ng badyet
ANG pahayag na si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ay may “functional control” sa proseso ng pambansang badyet noong siya pa ang Speaker ay isang labis na pagpapalagay, sapagkat walang iisang opisyal, tanggapan, o institusyon na maaaring kumontrol sa isang badyet na dumaraan sa Ehekutibo, Kamara de Representantes, Senado, bicameral conference committee, pag-apruba ng Pangulo, at pagpapatupad ng mga ahensiya ng pamahalaan, ayon kay House Committee on Higher and Technical Education Chair Jude Acidre.
“Imposibleng isang tao lamang ang may kontrol sa buong proseso. At sa tingin ko, ang pagsasabing may functional control ang isang tao, personalidad, o institusyon ay isang malaking pagmamalabis,” ani Acidre.
Inilabas ni Acidre ang pahayag habang pinabulaanan ng kampo ni Romualdez ang mga alegasyong siya umano ang “mastermind” ng kontrobersiya sa flood control dahil sa dati niyang posisyon bilang Speaker. Binigyang-diin nila na ang pananagutan ay dapat ibatay sa ebidensiya at sa tunay na papel ng bawat isa sa proseso ng badyet.
Kasunod ito ng naunang paliwanag ni Atty. Elaine Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, na ang pambansang badyet ay hindi binubuo, inaaprubahan, inilalabas, ipinatutupad, iniinspeksiyon, o pinatutunayan ng iisang opisyal lamang, sapagkat ito ay dumaraan sa mahabang prosesong institusyonal na kinasasangkutan ng iba’t ibang sangay at ahensiya ng pamahalaan.
“Kailangan maging pamilyar tayo sa proseso ng pagbuo ng badyet. Nagsisimula ito sa National Expenditure Program ng Ehekutibo, saka dinadala sa Kamara kung saan dumaraan ito sa proseso, tatlong pagbasa, mga budget briefing, at plenaryo. Pagkatapos ay pupunta ito sa Senado, daraan sa bicameral conference committee upang pagtugmain ang dalawang bersiyon, saka rerepasuhin at lalagdaan ng Pangulo bago ipatupad ng mga kaukulang ahensiya ng Ehekutibo,” paliwanag ni Acidre.
Ayon kay Acidre, kung mayroon mang kontrol na maaaring iugnay sa Speaker, ito ay limitado lamang sa daloy ng mga gawain sa loob ng Kamara at hindi sa buong proseso ng pambansang badyet na kinabibilangan din ng Senado, Pangulo, at mga ahensiyang nagpapatupad nito.
“Kung pag-uusapan ang ‘functional control,’ ang masasabi ko lang ay maaaring may kontrol ang Speaker sa proseso sa loob ng Kamara, kung mayroon man,” ani Acidre.
Gayunman, sinabi rin niya na kahit sa loob ng Kamara, hindi maaaring iugnay ang buong proseso sa Speaker lamang dahil ang mga deliberasyon sa badyet ay kinabibilangan ng mga pagtatanong, pagdinig, partisipasyon ng minorya, at iba pang pormal na proseso bago maisulong ang anumang panukala.
“Pero kahit iyon ay hindi rin ganap na kontrol dahil may mga magtatanong, may minorya, at may mga pagdinig, hindi ba?” dagdag niya.
Kinuwestiyon din ni Acidre ang lohika ng pagtuturo sa Kamara bilang sentro ng kontrobersiya sa flood control, lalo na’t ayon sa mga numerong kaniyang binanggit, mas malaki ang halaga ng mga amyendang ipinakilala ng Senado sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaysa sa mga amyendang ipinakilala ng Kamara.
“Oo, dahil kung titingnan mo ang mga numero, ang Senate-introduced amendments sa badyet ng DPWH ay nasa humigit-kumulang P142 bilyon, at pinag-uusapan natin dito ang 24 na senador,” sabi ni Acidre.
Aniya, ang Kamara ay nagpasok ng P94 bilyong halaga ng mga amyenda, kung saan nasa mahigit P30 bilyon lamang ang aktuwal na nailabas. Dahil dito, lalo umanong mahirap ipaliwanag kung paano sila maituturing na “mastermind” batay sa mga numerong pinag-uusapan.
“Sa Kamara, mayroon tayong P94 bilyong House-introduced amendments, at humigit-kumulang P30 bilyon lamang ang nailabas. Kaya naiisip ko, paano kaming magiging mastermind kung hindi naman kami ang nakakuha ng pinakamalaking bahagi ng pambansang badyet?” ani Acidre.
Para kay Acidre, ang proseso ng badyet, ang laki ng mga amyenda, at ang aktuwal na paglalabas ng pondo ay nagtuturo sa isang pangunahing konklusyon: ang mga akusasyon ay dapat nakabatay sa ebidensiya at hindi sa malalawak na pagpapalagay tungkol sa kapangyarihan ng isang dating Speaker.

