Calendar
Senado pinayuhan ni Acidre na huwag papelan ang isyu ng flood control
MULING iginigiit ni Tingog Party List Rep. Jude A. Acidre na dapat mag-pokus lamang ang Senado sa trabaho nito bilang Impeachment Court at huwag ng papelan pa ang isyu ng flood control.
Pagbibigay diin ni Acidre, Chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, na makabubuting atupagin na lamang ng Senado ang kanilang obligasyon at tungkulin bilang Impeachment Court para litisin si Vice President Sara Z. Duterte.
Ang payo ni Acidre sa mga Senador partikular na ang mga nasa hanay ng mayorya sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Allan Peter Cayetano, ipaubaya na lamang nila sa Office of the Ombudsman ang imbestigasyon sa flood control scandal.
Naniniwala ang kongresista na maaaring inililihis ng Senado ang atensiyon ng buong mamamayan sa gagawing paglilitis kay VP Sara habang isasabay naman nila ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa bilyon-pisong flood control controversy na trabaho naman talaga ng Ombudsman at hindi ang Senado.
Ang pahayag na ito ng Party List solon ay kaugnay sa mga hakbang na muling bubuksan ng Senado ang pagsisiyasat sa flood control scandal matapos nitong sabihin na dapat magpatuloy ang pananagutan sa tamang pormula ngayong may mga naisampa nang kaso at umuusad na ang proseso sa Ombudsman.
“Sa totoo lang, mas pipiliin kong hayaan na lamang ang Ombudsman na magpatuloy sa imbestigasyong ito. Ang tamang pormula sa puntong ito, pagkatapos ng lahat ng mga nagawang imbestigasyon, ay nasa korte na,” wika ni Acidre.
Sabi pa ng mambabatas na: “May mga kaso nang naisampa. Nagsimula na silang maghain ng mga kaso laban sa ilang partikular na indibidwal”.
Sinabi pa ni Acidre na ang parehong pamantayan na hinihingi sa kaso ng impeachment ay dapat ding ilapat sa mga akusasyon sa flood-control: hayaang magsilbing gabay ang ebidensya, payagang gumulong ang proseso, at iwasang gawing shortcut ang pananagutan na udyok lamang ng tiyempo sa politika.
“Ngunit mas gusto ko na hayaan natin ang proseso na magpatuloy base sa ebidensya. Ang parehong disiplina, at ang parehong angkop na proseso (due process) na ibinibigay din natin sa Pangalawang Pangulo sa paglilitis ng impeachment,” giit ni Acidre.

