Calendar
Acidre sa ASEAN: Tugunan kakulangan sa TVET
HINIMOK ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at TINGOG Partylist Rep. Jude Acidre ang mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na magpatupad ng mga praktikal na hakbang upang matugunan ang kakulangan sa mga pangunahing kasanayan sa pagkatuto sa larangan ng teknikal-bokasyonal na edukasyon at pagsasanay (TVET).
Mahalagang matiyak na may matibay na pundasyon sa pagbasa, pag-unawa, at matematika ang mga mag-aaral upang maihanda ang mga manggagawa sa rehiyon sa mas kumplikadong pangangailangan ng teknolohiya at ekonomiya, ayon sa kongresista.
Ibinahagi ni Acidre ang karanasan ng Pilipinas sa ilalim ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa kanyang talumpati sa High-Level 5th ASEAN TVET Council (ATC) Regional Policy Dialogue na ginanap sa Dusit Thani Manila.
Binigyang-diin ng kongresista na ang epektibong pagpapaunlad ng mga manggagawa ay nangangailangan ng malawak na pag-unawa sa proseso ng pagkatuto, pagsasanay, at paghahanap ng trabaho.
“Marami sa mga problemang nararanasan sa teknikal na edukasyon ay nagsisimula bago pa man makapasok ang isang mag-aaral sa training center,” ayon kay Acidre.
Kadalasang lumilitaw ang kakulangan sa pagbasa, pag-unawa, at kasanayan sa matematika kapag kinakailangan nang unawain ng mga mag-aaral ang mga teknikal na tagubilin, magsagawa ng mga pagsukat, at humarap sa mas mahihirap na gawain.
Ayon sa kaniya, hindi lamang naaapektuhan ng mga kakulangang ito ang resulta ng pagsasanay, kundi nalilimitahan din ang pagkakataon ng mga mag-aaral na makakuha ng mas mataas na kwalipikasyon.
Bilang halimbawa, binanggit ni Acidre ang resulta ng 2024 survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), na nagpapakitang 93.1 porsiyento ng mga Pilipinong nasa edad 10 hanggang 64 ang may batayang kakayahan sa pagbasa at pagsulat, ngunit 70.8 porsiyento lamang ang itinuturing na functionally literate sa ilalim ng binagong pamamaraan ng pagsusuri.
Ipinaliwanag niyang bagama’t hindi partikular na tumutukoy sa mga mag-aaral ng TVET ang mga bilang na ito, ipinakikita nito ang pagkakaiba ng simpleng kakayahang bumasa ng impormasyon at ng kakayahang maunawaan at magamit ito sa aktuwal na sitwasyon.
Sa gitna ng patuloy na paggamit ng artificial intelligence (AI), automation, at mga teknolohiyang pangkalikasan sa iba’t ibang industriya, iginiit ni Acidre na mananatiling mahalaga ang mga pangunahing kasanayan upang makapagpasya nang tama, makalutas ng mga problema, at makaangkop sa nagbabagong pangangailangan sa trabaho.
“Dapat maging bahagi ng mga patakaran sa pagpapaunlad ng mga manggagawa ang matibay na pundasyon sa pagkatuto. Ang ating mga mithiin para sa mas mataas na kasanayan ay dapat ding isaalang-alang ang pagkatutong nagbibigay-daan upang makamit ang mga kasanayang ito,” diin ng mambabatas.

