Calendar
House trial spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong
Adiong: Ang Konstitusyon mismo ang nasa paglilitis sa kaso ng impeachment ni VP Sara
ANG impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte ay hindi lamang pagsubok sa Senado at sa mga ebidensiyang ihaharap dito, kundi pati na rin isang pagsubok sa mismong Konstitusyon, ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur nitong Sabado.
Sinabi ni Adiong, na isa ring House Assistant Majority Leader at chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, na lumampas na ang proseso sa pagiging simpleng tunggaliang pampulitika at ngayon ay may mas malawak nang implikasyon para sa sistemang konstitusyonal ng bansa at sa mga mekanismo ng pananagutan.
“Ang Konstitusyon din ang sinusubok dito,” ani Adiong. “Ang Konstitusyon, ang Saligang Batas natin, kung tutuusin, ay para na ring nasa paglilitis. Dito natin makikita kung gaano katatag ang ating Konstitusyon sa kabila ng mga pampulitikang presyon at partisanong impluwensiya.”
Ginawa niya ang pahayag habang naghahanda ang mga senador na talakayin ang mga panukalang magpapahintulot sa mas malawak na virtual participation sa mga proceedings ng Senado matapos itong magtipon bilang impeachment court.
Habang muling ipinapahayag ang paggalang sa Senado bilang kapantay na institusyon, iginiit ni Adiong na may konstitusyonal na tungkulin na ngayon ang kapulungan na wala nang ibang sangay ng gobyerno ang maaaring gampanan.
“Sa tingin ko, ang konstitusyonal na tungkulin ang dapat maging pinakamataas na prayoridad ng Senado ngayon. Naniniwala ako na malinaw ang indikasyon na ang Senado mismo, ngayong nakapagtipon na sila bilang impeachment court, ay itutuloy talaga ang pagtupad sa kanilang natatanging mandato dahil walang ibang institusyon ang binigyan ng kapangyarihang ito kundi ang Senado,” aniya.
Ayon kay Adiong, hindi lamang dapat tingnan ang impeachment proceedings sa lente ng politika kundi bilang sukatan din kung paano gumagana ang mga institusyon sa ilalim ng matinding presyon.
“Kaya hindi lamang ang mga senator-judges o ang mga ebidensyang ihaharap ng House panel ang sinusubok, kundi pati na rin ang mismong Konstitusyon,” dagdag niya.
Binanggit din ng House trial spokesperson na mataas pa rin ang interes ng publiko sa mga proceedings, at maging ang mga residente sa kanyang lalawigan ay nagtatanong tungkol sa mga kaganapan sa Senado.
“Sinusubaybayan namin ang mga developments sa Senado, at hindi lang kami sa House Prosecution Team kundi ang buong bansa,” ani Adiong.
“Marami sa mga nakausap ko ang nagtatanong kung ano na ang nangyayari sa Senado ngayon,” dagdag pa niya.
Sa kabila ng nagpapatuloy na mga debate tungkol sa mga proseso sa Senado, sinabi ni Adiong na nananatiling nakatuon ang House prosecution panel sa paghaharap ng kanilang kaso.
“Ang trabaho ng aming prosecution panel ay magpresenta ng ebidensya. At kumpiyansa kami sa aming mga ebidensya. Alam namin na sa impeachment trial, habang umuusad ang aktwal na paglilitis, hindi lamang ang mga senator-judges ang magsusuri ng mga ebidensya kundi pati na rin ang pangkalahatang publiko,” aniya.
Sinabi rin ni Adiong na ang magiging resulta ng proceedings ay magsisilbing sukatan kung kayang labanan ng mga institusyong konstitusyonal ang mga pampulitikang presyon sa gitna ng matinding tensyon sa politika.
“Kailangan naming gampanan ang aming mandato at tungkulin na aming sinumpaan, hindi lamang para malinawan ang publiko dahil matagal na silang nakatutok sa isyung ito. Mahigit isang taon na natin itong pinag-uusapan. Isa rin itong pagsubok kung ang Konstitusyon, sa kasalukuyang klima at sitwasyong pampulitika, ay mananatiling matatag sa kabila ng mga pampulitikang presyon,” ani Adiong.
