Sara

Adiong: Banta vs Pangulo, di maipaliwanag na yaman pinakamalinaw na isyu sa impeachment ni VP Sara

87 Views

PARA sa madaling pag-unawa ng publiko, ang bantang pagpapapatay na ibinulalas ni Bise Presidente Sara Z. Duterte laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman nito ang pinakamalinaw na mga isyung nakapaloob sa impeachment, ayon sa isang tagapagsalita ng House prosecution panel.

“Lahat ng apat na Artikulo (ng Impeachment) ay may matibay na batayan at matibay na ebidensya. Ngunit ang masasabi ko na pinakamadaling maunawaan ng publiko ay ang pagbabanta,” pahayag ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng prosecution panel, sa panayam sa programang Morning Matters ng One News.

“Alam ninyo, hindi basta-basta maaaring magbanta ng pananakit o pagpatay sa isang tao. Hindi iyon katanggap-tanggap. Kahit hindi ka humahawak ng anumang halal na posisyon, hindi mo maaaring gawin iyon. Ang pagiging sibilisado ay nangangahulugang hindi ka dapat nagmumura o nagbabanta sa kapwa,” aniya.

Sa isang press conference na isinahimpapawid nang live sa social media noong Nobyembre 2024, sinabi ni VP Sara Duterte na ipapapatay niya sina Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Araneta Marcos, at noo’y House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kung siya mismo ay mapapatay.

Ayon kay Duterte, nakausap na niya ang isang tao upang isagawa umano ang pagpatay sa Unang Pamilya at kay Romualdez.

Pinatunayan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagiging tunay ng mga video ng naturang press conference at sinabi nitong tinutukoy na nito ang pagkakakilanlan ng sinasabing hitman.

Ayon kay Alonto Adiong, ipinapakita ng bantang pagpapapatay ng Bise Presidente na wala itong tiwala sa sistema ng hustisya ng bansa.

“Ang pagsasabing ‘ipapapatay kita’ ay indikasyon din na wala kang tiwala sa ating legal system at justice system. At para sa isang opisyal ng gobyerno na may ganoong katungkulan, lalo nitong pinabibigat ang usapin at nagbibigay sa kanya ng higit na dahilan upang magpaliwanag sa publiko. Napakalinaw niyan. Sinabi niya mismo iyon sa harap ng publiko,” aniya.

Sinabi rin niya na ang ikalawang usaping madaling maunawaan ng publiko ay ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.

“Mula sa mga rekord ng AMLC (Anti-Money Laundering Council), may napakaraming deposito sa kanyang bank account na tila hindi naman nakasaad sa kanyang SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth),” diin niya.

Itinuro rin niya na hindi umano nagdeklara ng “cash on hand” ang Bise Presidente sa kanyang mga SALN.

“Mula 2019 hanggang sa kasalukuyan, wala siyang idineklarang cash on hand, na hindi tumutugma sa mga ulat ng AMLC. Kaya ito ang mga bagay na madaling maunawaan ng publiko,” dagdag niya.

“Paano nangyari na noong alkalde ka pa ng Davao City ay kumpleto mong naisasumite ang iyong SALN, ngunit nang maging Bise Presidente ka ay bigla na lamang hindi naipakita rito ang cash on hand?” tanong ni Alonto Adiong.

“Kaya may mga hindi pagkakatugma. At higit pa rito, nararapat lamang na malaman ng publiko ang buong detalye ng usaping ito,” aniya.

Ayon sa ulat ng AMLC na isinumite sa House Committee on Justice, umabot sa kabuuang P6.7 bilyon ang na-flag ng mga bangko bilang mga “covered” at “suspicious” transactions na isinagawa umano ni VP Sara Duterte at ng kanyang asawa sa loob ng 20 taon, mula pa noong siya ay vice mayor ng Davao City.

Sa halagang ito, P4.4 bilyon ang tinukoy bilang “inflows,” habang P1.5 bilyon naman ang “outflows.”

Dahil dito, napagpasyahan ng House prosecutors na may tinatayang P2.8 hanggang P2.9 bilyong balanse sa mga bank account ng Bise Presidente at ng kanyang asawa—halagang hindi umano naipakita sa mga SALN ni VP Sara.

Itinuturing ng prosecution panel na ang bantang pagpapapatay at ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente ang pinakamalalakas na batayan ng impeachment laban sa kanya.