Calendar
Sotto: Banta sa Senado seryoso
SINABI ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na naghahanda na ng security measures sa Senado matapos niyang marinig ang ulat hinggil sa umano’y banta sa seguridad, na inilarawan niya bilang “clear and present danger.”
Ginawa ni Sotto ang pahayag matapos siyang tanungin ng mga reporter kung nakatanggap din siya ng intelligence information mula sa National Bureau of Investigation na may security threat sa Senado.
“Yes, I overheard the report. Security measures are being planned,” ani Sotto sa Viber exchange sa mga reporter.
Kinumpirma rin ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang ulat, matapos sabihin na ipinaabot ni NBI Director Melvin Matibag ang impormasyon sa isang consultative meeting ng Senate Blue Ribbon Committee.
“During the Blue Ribbon consultative meeting yesterday, NBI Director Melvin Matibag informed the sectors present that there is a potential threat to the Senate building and the Senate premises,” ani Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na makikipagpulong siya sa Senate Executive Committee, kabilang ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms, upang matiyak ang kinakailangang security adjustments sa Senado.
“The security and safety of all senators and all Senate employees is paramount. We will make sure that our work environment is safe and secure,” ani Gatchalian.
Hindi nagbigay ng detalye si Sotto sa uri o pinagmulan ng umano’y banta, ngunit sinabi niyang hindi ito dapat balewalain.
“The threat is a clear and present danger therefore serious considerations must be taken,” ani Sotto.
Nang tanungin kung maaaring pansamantalang ipagbawal ang mga pagdinig sa Senado dahil sa security concern, sinabi ni Sotto na dedepende ito sa rekomendasyon ng mga humahawak sa seguridad.
“Depende. Let’s wait for the recommendations of those involved in security,” ani Sotto.
Nang tanungin kung maaaring kabilang ang lockdown sa mga hakbang upang protektahan ang mga senador at empleyado ng Senado, sinabi ni Sotto na nakadepende ito sa kinakailangang security response.
“Depends on the security measures necessary. Not my call,” sagot ni Sotto.
Nang tanungin sa lawak ng banta at kung sapat ito upang magkaroon ng posibleng lockdown o suspension ng Senate activities, sinabi ni Sotto: “Very serious according to the intel.”
Gayunman, hindi kinumpirma ni Sotto kung may kinalaman sa militar ang umano’y banta o kung may namumuong coup.
Nang tanungin tungkol dito, itinuro niya kay Senator Erwin Tulfo ang tanong.
“Ask Erwin. Eavesdropper lang ako,” ani Sotto.
Dumating ang pinakahuling security concern habang nananatiling matindi ang tensiyon sa Senado dahil sa leadership dispute at magkakasalungat na pag-angkin ng awtoridad sa loob ng kapulungan.
Nauna nang natapos ang impasse sa Senado matapos makabuo ng quorum at kilalanin ng Marcos administration si Gatchalian bilang acting Senate President, isang hakbang na kinuwestiyon ni Senator Alan Peter Cayetano at ng kanyang mga kaalyado.
Tinawag ni Cayetano ang hakbang bilang isang “illegal coup d’etat” at iginiit na siya pa rin ang lehitimong Senate President.
Naapektuhan din ng leadership dispute ang trabaho ng mga komite, kabilang ang Senate Blue Ribbon Committee, kung saan inihalal ng Gatchalian-led bloc si Senator Erwin Tulfo bilang chair.
Humaharap din ang Senado sa epekto ng insidente noong Mayo 13 na kinasangkutan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, na nahaharap sa warrant ng International Criminal Court kaugnay ng drug war ng Duterte administration.
Sinabi ng mga awtoridad na walang operasyon ang NBI o PNP para arestuhin si Dela Rosa, habang sinabi ni NBI Director Matibag na humiling ang mga imbestigador ng Senate CCTV footage bilang bahagi ng review sa insidente.
Sa ngayon, sinabi ni Sotto na pinaplano na ang security measures, habang sinabi ni Gatchalian na makikipag-ugnayan ang Senate leadership sa security officials upang protektahan ang mga senador, empleyado, at ang Senate premises.

