Gatchalian

Gatchalian: Senado maraming beses na kinilala 12-member quorum ayon sa journal

92 Views

Senado pwede mag-convene ng 12 miyembro

BINANGGIT ni acting Senate President Sherwin Gatchalian ang mga opisyal na journal ng Senado mula 2008 hanggang 2020 upang suportahan ang kanyang posisyon na matagal nang kinikilala ng kapulungan ang 12-member quorum sa pagsasagawa ng opisyal na gawain.

Ipinakita ng mga rekord na nagpatuloy ang ilang sesyon ng Senado na may 12 senador na dumalo sa ilalim ng iba’t-ibang sitwasyon.

Binanggit niya ang mga sesyon noong Mayo 21, 2008 at Pebrero 11, 2009, kung kailan nagdeklara ang Senado ng quorum na may 12 miyembrong dumalo batay sa 23-member chamber matapos magbitiw si Sen. Alfredo Lim ng mahalal bilang alkalde ng Maynila noong 2007. Nasa detention noon si Senador Antonio Trillanes IV at hindi nakadalo.

Tinukoy din ni Gatchalian ang sesyon noong Setyembre 29, 2010, nang magdeklara ang Senado ng valid quorum na may 12 senador na dumalo mula sa 23 miyembro matapos magbitiw si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III nang mahalal bilang pangulo.

Nagdeklara rin ang Senado ng quorum at nagsagawa ng opisyal na gawain noong Mayo 8 at Mayo 15, 2012, kung saan may 12 senador na dumalo mula sa 23 miyembro.

Noong 2015 nagkaroon din ng mga katulad na quorum declaration ang Senado. Noong Mayo 5 ng taong iyon, ibinase ang quorum sa 17 dahil apat na senador ang nasa ibang bansa, habang nasa detention sina Sen. Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jose “Jinggoy” Estrada.

Katulad na quorum din ang idineklara noong Hunyo 2, 2015, nang may 12 miyembrong dumalo, habang nananatiling nasa detention sina Enrile, Revilla at Estrada at ang ibang senador ay nasa official mission, extended medical leave o dumating matapos ang roll call.

Tinukoy din ni Gatchalian na noong Mayo 23, 2020 muling idineklara ang quorum na may 12 senador na dumalo habang nasa detention si Sen. Leila de Lima at ang ibang senador ay hindi pisikal na nakadalo sa sesyon.

“Hindi natin pwedeng baguhin ang kasaysayan. Ang Senate records mismo ang nagpapatunay na hindi na bago ang nangyaring sesyon noong June 3 at ito ay lehitimo,” ani Gatchalian.