Adiong Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong

Adiong: Expose ni Lacson pinatunayan na Co nagsisinungaling sa pagdeliver ng maleta ng pera

264 Views

PATUNAY ang pagsisiwalat ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na mali ang mga pahayag ni dating Rep. Zaldy Co na umano’y naghatid ng pera kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong nitong Miyerkules.

Ito’y matapos ang sinumpaang testimonyo ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na naglantad kung sino talaga ang humawak at nakinabang sa diumano’y kickbacks.

Ayon sa mga ibinunyag ni Lacson, sinabi ni Adiong na “it directly contradicts Zaldy Co’s story.”

“Not the President, not former Speaker Romualdez ― both were falsely dragged into allegations that the evidence does not support,” ani Adiong, na chairman ng House committee on suffrage and electoral reforms at isa sa mga lider ng House Young Guns.

Ibinunyag ni Lacson sa deliberasyon ng badyet sa Senado na si Bernardo ang personal na humawak ng P52 bilyong kickbacks mula sa umano’y P81 bilyon ng kabuuang P100 bilyong budget insertions na napunta sa DPWH.

Ang sinumpaang salaysay ni Bernardo ay sumasalungat sa pahayag ni Co na naghatid siya ng pera sa mga pangunahing lider ng bansa.

Ayon kay Lacson, batay sa impormasyong ibinigay ni Bernardo, personal na hinawakan ng dating opisyal ng DPWH ang P52 bilyon mula sa P81 bilyon na inilagay sa ahensiya, habang pinamahalaan ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ang natitirang P19 bilyon.

Dahil sa mga inilabas na facts on record, sinabi ni Adiong na dapat malinaw na ang direksiyon ng imbestigasyon.

“The names do not match the accusations made by Co,” aniya.

“The Independent Commission on Infrastructure (ICI) should focus its probe on two former undersecretaries, who were specifically implicated,” dagdag ni Adiong. “It is only right that the inquiry follows the evidence ― not fabricated narratives.”

Giit ni Adiong, wala pang ebidensiyang lumabas na nag-uugnay sa Pangulo o sa dating Speaker Romualdez sa diumano’y insertion scheme.

“Walang dokumento. Walang sworn statement. Walang ebidensiyang nagsasabing may pera silang natanggap,” aniya. “The only testimony on record points to a different set of individuals altogether.”

Binigyang-diin ng Mindanao House leader na hindi dapat nakabatay ang mga imbestigasyon ng pampublikong institusyon sa mga political narrative na bumabagsak kapag hinarap sa totoong ebidensiya.

“This entire episode proves why we must rely on sworn testimony and verifiable documents,” pahayag ni Adiong. “Unproven accusations only mislead the public and unjustly damage reputations.”

Nanawagan siya sa lahat ng panig na manatiling focused at hayaang magawa ng mga imbestigador ang kanilang tungkulin.

“Our people deserve a process grounded in truth, not noise,” ani Adiong. “Senator Lacson’s expose puts the facts on the table. Let us act on those facts ― nothing more, nothing less.”