Calendar
Adiong: Itigil ang ingay, walang mag-eendorso sa impeachment raps vs Marcos
HINIMOK ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong nitong Huwebes ang mga kritiko na itigil ang tinawag niyang hindi kailangang ingay kaugnay ng mga pagsisikap na maghain ng impeachment laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., at sinabing ang tunay na balakid na kinahaharap ng ilang grupo ay ang kawalan ng miyembro ng Kamara na handang mag-endorso ng kanilang reklamo.
Ayon kay Adiong, walang sapat na batayan ang mga pahayag nina Atty. Ferdie Topacio at dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor, at iginiit na ang usapin ay walang kinalaman sa umano’y pagharang sa proseso.
“Simple lang ang problema: walang endorser na miyembro ng Kamara,” sabi ni Adiong. “Kung walang endorser, hindi uusad ang reklamo. Iyan ang malinaw na itinatakda ng mga patakaran.”
“Naniniwala akong walang pumipigil sa kanila,” dagdag ni Adiong. “Kung gusto talaga nilang umusad ang impeachment complaint nila, napakasimple ng patakaran: kailangan nila ng isang House member na mag-eendorso nito.”
Binigyang-diin ni Adiong na ang usapin ay hindi tumatalakay sa merito ng alinmang reklamo, ni hindi ito may kinalaman sa umano’y panghihimasok ng sinumang opisyal, kundi nakasalalay lamang sa pagsunod sa mga rekisitos ng Konstitusyon at ng Kamara.
“Hindi ito usapin ng pinipigilan o hinaharangan,” ani Adiong. “Ito ay tungkol sa pagtupad sa isang batayang rekisito. Ang kawalan ng endorser ang pangunahing isyu.”
Umalinsunod ang kanyang pahayag sa naunang paglilinaw ni House Committee on Justice chair Gerville “Jinky Bitrics” R. Luistro, na nagsabing ang mga impeachment complaint na inihain ng mga pribadong indibidwal ay hindi ipapadala sa Tanggapan ng Speaker kung walang pag-eendorso ng isang miyembro ng Kamara.
“Tulad ng anumang panukalang batas, kailangan itong isponsor ng kahit isang miyembro ng Kamara,” sabi ni Luistro sa isang kamakailang forum ng media. “Kung ito ay inihain ng pribadong indibidwal at walang mag-iisponsor, hindi ito ipapadala sa Tanggapan ng Speaker.”
Ipinaliwanag ni Luistro na ang impeachment complaints ay maaari lamang ihain sa dalawang paraan: alinman ay ng isang pribadong indibidwal na inendorso ng isang House member, o sa pamamagitan ng lagda at beripikasyon ng hindi bababa sa isang-katlo ng lahat ng miyembro ng Kamara. Kung hindi matutugunan ang alinman sa dalawang rekisitong ito, hindi papasok ang reklamo sa pormal na proseso ng Kamara.
“Hindi ko intensiyong pangunahan ang anumang talakayan tungkol sa kasapatan,” ani Luistro. “Ngunit sa porma, dapat suportado iyan ng isang House member, dapat pirmado ng pribadong indibidwal at dapat beripikado ng awtorisadong opisyal.”
Sinabi ni Adiong na matagal nang umiiral ang mga patakarang ito at layuning tiyakin ang kaayusan at pagiging patas sa proseso ng impeachment.
“Hindi puwedeng baguhin ang proseso at saka magrereklamo na may humaharang,” aniya. “Malinaw ang mga patakaran, at pare-pareho ang aplikasyon nito sa lahat.”
Dagdag pa niya, kapag ang isang reklamo ay maayos na na-endorso at naipadala sa Speaker, sinusunod ng Kamara ang itinakdang iskedyul, na nagsisimula sa pagre-refer sa Committee on Justice at sa sunod-sunod na pagsusuri ng kasapatan sa porma at substansiya.
“Ito ay isang prosesong itinatadhana ng Konstitusyon,” ani Adiong. “Kung seryoso sila, sundin nila ang proseso para hindi malito ang publiko.”

