Calendar
Lacson: Dagdag kapangyarihan sa Ombudsman iminungkahi
KABILANG sa mga rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga panukalang magpapalakas sa Office of the Ombudsman matapos ang imbestigasyon nito sa umano’y anomalya sa mga flood control project, ayon kay Senate President Pro Tempore at committee chair Panfilo “Ping” Lacson nitong Huwebes.
Ayon kay Lacson, kabilang sa mga iminungkahing hakbang ang pagpapahintulot sa Ombudsman na mag-deputize ng mga pribadong abogado bilang mga prosecutor at ang pagbibigay rito ng sariling law enforcement arm upang mapahusay ang imbestigasyon at prosekusyon ng mga kasong may kinalaman sa katiwalian.
“Isa ang mungkahi ni former Senate President Franklin Drilon na payagan ang Ombudsman mag-deputize ng private prosecutors para tumulong sa pag-prosecute ng kaso, kasi sa ngayon undermanned ang Office of the Ombudsman,” ani Lacson sa panayam sa DZMM. “Kung bibigyan sila by way of legislation na puwede silang mag-deputize ng private lawyers para umakto bilang prosecutors, magandang mungkahi ‘yan.”
Aniya, isa pang rekomendasyon ang pagkakaroon ng maliit ngunit nakatuong law enforcement unit ang Ombudsman, na sa kasalukuyan ay umaasa sa tulong ng mga ahensiyang tulad ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation.
“Dapat may sariling law enforcement arm, maski maliit lang na dedicated, para nakakapag-apply sila ng search warrant ng sarili nila at sila rin ang magsagawa ng follow-up investigation ng mga corruption-related na kaso,” aniya.
Sinabi ni Lacson na ang mga bahagyang rekomendasyong ito ay naaayon sa mandato ng Blue Ribbon Committee na magsagawa ng mga pagdinig in aid of legislation. Dagdag pa niya, marami sa mga ebidensiyang lumabas sa mga pagdinig ang ginamit na ng Department of Justice, Office of the Ombudsman, at Independent Commission for Infrastructure sa pagsasampa ng mga kaso sa hukuman.
Ayon pa kay Lacson, halos tapos na ang komite sa pagbalangkas ng bahagyang committee report at maaari pang magsagawa ng isa o dalawang pagdinig matapos itong iharap sa plenaryo ng Senado.
Binigyang-diin niya na “very confident” siya na magiging matibay ang pinal na committee report dahil ito ay “evidence-based.”
Sinabi rin ni Lacson na ang mga subpoena na inilabas ng Department of Justice laban sa ilang personalidad, kabilang ang dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at Senador Jose “Jinggoy” Estrada, ay hindi makaaapekto sa imbestigasyon ng Blue Ribbon.
“Mas mahalaga sa aming committee report ang aspeto ng in aid of legislation dahil ang mga nirerekomendang panukala ay para maitama ang mga kahinaan ng umiiral na mga batas at mapalakas ang laban kontra katiwalian,” aniya.
Tungkol naman sa kinaroroonan ni dating mambabatas Elizaldy Co, sinabi ni Lacson na nasa Executive Department ang pagsubaybay sa impormasyong lumitaw umano si Co sa Stockholm, Sweden noong kalagitnaan ng Enero, batay sa petisyong inihain sa Korte Suprema.
Gayunman, aniya, hindi ito nangangahulugang nananatili roon si Co at maaaring taktika lamang upang iligaw ang mga sumusubaybay sa kanya.
“Hindi ibig sabihin na kung may dokumentong nagsasabing nasa Sweden siya ay doon na talaga siya nananatili. Puwede siyang gumagalaw at maaari ring pangligaw lang ‘yan,” ani Lacson.

