Adiong

Adiong kumpiyansa: Senado ibabatay desisyon kay VP Sara sa ebidensiya

49 Views

SINABI ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na naniniwala siyang ibabatay ng Senate impeachment court ang magiging pasya sa kaso ni Vice President Sara Z. Duterte sa mga ebidensiyang ihaharap sa paglilitis at hindi sa mga konsiderasyong pampulitika.

Ayon kay Alonto Adiong, ang matagumpay na pagtatapos ng pre-trial conference ay lalo pang nagpatibay sa kumpiyansa ng prosekusyon bago ang pormal na pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6.

“Matagumpay ’yung naging pre-trial conference, at tayo po ay naniniwala at may tiwala sa Senado na sila po ay i-exercise o gagampanan ang kanilang constitutional mandate o mandato, obligasyon pagdating po sa paglilitis ng Pangalawang Pangulo,” ani Alonto Adiong.

“Tayo po ay optimistic na dahil po sa ating maipapresenta na mga ebidensiya ay makakamit po natin ’yung ninanais natin,” dagdag niya.

Sinabi ni Alonto Adiong na naniniwala ang prosekusyon na mananatiling walang kinikilingan ang mga senador na magsisilbing hukom at ibabatay lamang nila ang kanilang magiging desisyon sa lakas ng mga ebidensiyang ihaharap.

“Tayo po rin ay naniniwala na ang Senado ay magiging impartial, na hindi po ito kikiling kung kaninuman. Ang basehan lang po nila ay ebidensiya,” aniya.

Idinagdag niya na ang impeachment court ang siyang magpapasya sa bigat ng mga paratang at sa lawak ng suporta rito mula sa mga dokumentaryo at testimonya na ihaharap sa paglilitis.

Kinilala rin ni Alonto Adiong na ang impeachment proceedings ay likas na may parehong legal at pampulitikang aspeto, ngunit iginiit niyang ang proseso ng constitutional accountability ay dapat manaig kaysa sa anumang interes na pampartido.

“But, you know, sabi nga po nila, impeachment is sui generis. It’s a combination of legal at saka political. Tama po ’yun,” aniya.

“Kaya nga po parati nating sinasabi, hindi lang po ang prosecution, ang defense, o ang korte mismo ang ini-evaluate. Pati nga po tayo at ang Senado ay minamasdan po at ini-evaluate din po ng taong-bayan,” dagdag pa niya.

Natapos ng Senate impeachment court ang pre-trial proceedings noong Hunyo 25 at nakatakdang pormal na simulan ang impeachment trial sa Hulyo 6.

Paulit-ulit nang sinabi ng House prosecution panel na handa itong magharap ng mga dokumentaryo at testimonial na ebidensiya bilang suporta sa Articles of Impeachment laban kay Bise Presidente Duterte.