Defense Source: Senate of the Philippines

Adiong: Sagot ni VP Sara patunay na wala pang tiyak na kontra-ebidensiya ang depensa

55 Views

ANG pinakahuling sagot ni Vice President Sara Z. Duterte sa Articles of Impeachment ay nagpapatunay lamang sa pananaw ng prosekusyon na wala pa ring naihaharap ang depensa na tiyak na kontra-ebidensiya laban sa mga paratang, sinabi ni House impeachment trial spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur.

Ito ang naging reaksiyon ni Adiong sa 51-pahinang sagot ni Duterte, kung saan iginiit ng Bise Presidente na ang impeachment proceedings ay “walang bisa at nababahiran ng masamang hangarin at pagkiling.”

“It only confirms our initial observation that the defense could not provide particular counter-evidence and argument to challenge, even to contest the allegations contained under the Articles of Impeachment,” ani Adiong.

Ayon sa kanya, mula pa sa simula ay paulit-ulit na lamang umanong ibinabalik ng depensa ang usapin sa mga procedural at constitutional objections kahit nasa Senate impeachment court na ang kaso.

“From the very start, they’ve been harping about procedural objections, constitutional objections, which all of us know is already way past that stage,” aniya.

Sinabi ni Adiong na inaasahan ng prosekusyon na maghahain na ang kampo ni Duterte ng mga partikular na ebidensiya, dokumento o argumento na direktang sasagot sa mga nilalaman ng Articles of Impeachment.

Sa halip, sinabi niyang inuulit lamang ng depensa ang dati nitong mga puna sa proseso.

“The summation of the case that they would like to bring forth… only validates our earlier observation na kulang talaga yung kanilang pwedeng i-offer,” ani Alonto Adiong.

Dagdag pa niya, taliwas ito sa naunang pahayag ng depensa na handa silang harapin at sagutin ang mga alegasyon sa tamang forum.

Tinanggihan din ni Alonto Adiong ang iniulat na pahayag ng depensa na ang umano’y mga bantang binitiwan ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay saklaw lamang ng kalayaan sa pagpapahayag.

Aniya, hindi lamang ang mga salitang binitiwan ang dapat pagtuunan ng pansin kundi ang epekto nito sa mga taong umano’y pinagbantaan.

“It’s not actually her utterances that should be focused on, it’s the effect of that utterances on the person that is being threatened,” aniya.

Dagdag pa niya, dapat ding isaalang-alang ang posisyon, impluwensiya at lawak ng tagasuporta ng Bise Presidente sa pagsusuri sa naturang mga pahayag.

“I think for someone who enjoys a certain privilege, influence and following, we should also take that into consideration,” aniya.

Sinabi rin ni Alonto Adiong na hindi maaaring balewalain ang umano’y mga pagbabanta bilang simpleng pagpapahayag lamang ng opinyon, lalo na’t mismong si Duterte umano ang nagsabing seryoso ang kanyang mga salita.

“Siya mismong nagsabi: ‘no joke, no joke’,” aniya.

Ayon sa kanya, ang Senate impeachment court na ang dapat magpasya, batay sa mga ebidensiya, kung ang mga naturang pahayag ay maituturing na pagtataksil sa tiwala ng publiko o matataas na krimen.

“That’s why we have forwarded this to the Senate so that the Senate acting as an impeachment court can actually and finally settle whether our claim and our allegation that this indeed constitutes betrayal of public trust, this would constitute high crimes,” ani Adiong.

Iginiit niyang nananatiling kumpiyansa ang prosekusyon sa mga ebidensiyang ihaharap nito sa Senado.

“Mind you, we are confident that we have the evidence to present before the Senate,” aniya.

Binalaan din ni Adiong na ang mas malaking panganib ay ang posibilidad na maging normal na lamang sa lipunan ang pagbabanta kapag ginagawa ito ng mga opisyal ng pamahalaan.

“The societal effect of the threats is nagiging, nano-normalize ’yung pagbabanta sa kapuwa tao na hindi dapat ’yun nangyayari kaninuman at maski anong oras,” pagtatapos niya.