Calendar
Adiong: Kung nasa korte na ang kahon ng BIR, bakit dapat katakutan pagbubukas nito?
KINUWESTYON ni Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng prosekusyon ng Kamara, noong Miyerkules ang mga pagtatangkang tutulan ang mungkahi ng prosekusyon na buksan at imbentaryuhin ang laman ng selyadong kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), at sinabing isa lamang itong simpleng hakbang para sa transparency na hindi dapat ikabahala ninuman.
“Ang tunay na tanong ay hindi kung bakit nais ng prosekusyon na buksan ang kahon,” ani Alonto Adiong.
“Ang tunay na tanong ay ito: Kung nasa kustodiya na ng Impeachment Court ang kahon, bakit dapat matakot ang sinuman na malaman kung ano ang nasa loob nito?” dagdag niya.
Kamakailan ay iminungkahi ng mga prosecutor mula sa Kamara na pangasiwaan ng Senado bilang Impeachment Court ang pagbubukas, pag-iimbentaryo, at paunang pagmamarka (pre-marking) ng mga dokumentong laman ng selyadong kahon ng BIR bilang bahagi ng mga hakbang upang mapabilis ang paglilitis at maiwasan ang mga hindi pagkakaunawaan sa hinaharap.
Binigyang-diin ni Adiong na hindi hinihiling ng mungkahi na awtomatikong tanggapin bilang ebidensiya ang anumang dokumentong nasa loob ng kahon.
“Napakalinaw ng aming hinihingi. Hindi namin sinasabing tanggapin agad bilang ebidensya ang laman ng kahon. Hindi namin sinasabing paniwalaan agad ang laman nito. Ang sinasabi lang namin: buksan natin at alamin kung ano ang nasa loob,” ani Adiong.
Ayon sa kanya, sinasadya umano ng mga kritiko na paghaluin ang magkaibang usapin ng pagbubukas ng kahon at pagtanggap ng ebidensiya.
“Magkaibang-magkaiba ang dalawang bagay na iyan. Inventory pa lang ang pinag-uusapan, may ilan nang gustong mag-panic,” aniya.
Sinabi rin ni Adiong na ang mungkahi ay ganap na naaayon sa layunin ng mga pre-trial proceedings.
“Ang pre-trial ay para alisin ang mga sorpresa. Para kapag nagsimula ang paglilitis, ebidensya na ang pinag-uusapan, hindi kung ano ang nasa loob ng mga kahon,” paliwanag niya.
Ayon sa tagapagsalita ng Kamara, mahirap bigyang-katwiran ang pagtatago ng laman ng kahon gayong naipasa na ito sa korte at nasa ilalim na ng kustodiya nito.
“Kung nasa korte na ang kahon, kung bahagi na ito ng records ng kaso, bakit parang may gustong manatiling lihim ang laman nito?” tanong ni Adiong.
Dagdag niya, ang transparency ay dapat na makinabang kapwa sa prosekusyon at depensa.
“Sa inventory, parehong panig makakakita. Parehong panig makaaalam. Parehong panig makapaghahanda. Kung ganoon, sino ba talaga ang dehado sa transparency?” aniya.
Sinabi rin ni Adiong na ang pagtatangkang ilarawan ang mungkahi bilang desperadong hakbang ng prosekusyon ay nagpapakita umano ng kahinaan sa mga argumentong inihaharap laban dito.
“Kapag transparency ang kinatatakutan, hindi transparency ang problema,” aniya.
“Sa totoo lang, hindi namin maintindihan kung bakit may tututol sa simpleng pag-alam kung anong dokumento ang nasa kustodiya na mismo ng Impeachment Court,” dagdag pa niya.
Iginiit ni Adiong na nananatiling nakatuon ang prosekusyon sa paghaharap ng kanilang kaso sa pamamagitan ng mga ebidensiya at testigo.
“Hindi namin kailangan ng drama. Hindi namin kailangan ng haka-haka. Ang kailangan lang namin ay malinaw, patas, at transparent na proseso. Kung walang dapat itago, walang dapat ikatakot,” pagtatapos ni Adiong.

