Adiong

Adiong: Planong pagdinig ng Blue Ribbon Committee PR stunt, panggulo sa paglilitis kay VP Sara

26 Views

SINABI ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong nitong Lunes na ang planong pagpapatuloy ng isang grupo ng mga senador sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa labas ng Senado ay isa lamang panggagambala sa nalalapit na impeachment trial ni Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte, na aniya’y dapat manatiling pangunahing pokus ng Senado matapos itong magtipon bilang impeachment court.

“Ito ay nagpapatunay lamang sa dati na naming obserbasyon na isa lamang itong PR stunt upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa usapin ng impeachment,” ani Alonto Adiong, tagapagsalita ng House prosecution panel, sa isang press conference.

Ginawa ni Alonto Adiong ang pahayag bilang tugon sa mga ulat na ang mga senador na kaalyado ng dating Senate President na si Alan Peter Cayetano ay nagpaplanong magsagawa ng hiwalay na pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa kabila ng nagpapatuloy na isyu sa liderato ng Senado.

Gayunman, nilinaw niya na ang kanyang pahayag ay personal niyang pananaw at hindi kinakailangang opisyal na posisyon ng House prosecution panel.

Nauna nang nagtipon ang Senado bilang impeachment court at nakatakdang idaos ang pre-trial conference nito sa Hunyo 18, habang ang impeachment trial laban kay Duterte ay magsisimula sa Hulyo 6.

Ayon kay Alonto Adiong, ang impeachment proceedings ang dapat manatiling pangunahing prayoridad ng Senado ayon sa Konstitusyon.

“Tandaan natin na ang impeachment trial ang prayoridad ng Senado na itinakda ng Konstitusyon sa kasalukuyan. Nagtipon na sila bilang impeachment court,” aniya.

Iginiit ng tagapagsalita ng Kamara na walang ibang institusyon ng pamahalaan ang may kapangyarihang konstitusyonal na taglay ng Senado upang dinggin at pagpasiyahan ang mga kasong impeachment.

“Kaya ito ang prayoridad ng Senado, at alam ng taumbayan na ito ang kanilang prayoridad. Karapatan din ng publiko na malaman ang katotohanan at magkaroon ng mabilis na paglilitis,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Alonto Adiong na naniniwala siyang ang pagsabay ng ibang mga usapin ay maaaring maglihis ng atensyon ng publiko mula sa impeachment proceedings.

“Kaya muli, sa pagbabalik sa isyung iyan, lalo lamang nitong pinatitibay ang aming naunang obserbasyon na isa lamang itong panggugulo, diversionary tactic, at PR stunt,” aniya.

Samantala, sinabi ni impeachment prosecutor at San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora na patuloy na kinikilala ng House prosecution team si acting Senate President Sherwin “Win” Gatchalian at patuloy silang naghahain ng mga pleadings sa impeachment court sa ilalim ng kanyang pamumuno.

“Bagama’t kinikilala naming karapatan nilang magsagawa ng mga pagpupulong sa labas ng Senado, maaari nila itong gawin. Ngunit muli, sinusunod namin ang liderato ni Senator Gatchalian,” ani Zamora.

Binanggit din ni lead prosecutor at Chairperson ng House Committee on Justice na si Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na malaya ang mga senador na magpahayag ng kanilang mga pananaw, ngunit aniya, ang anumang lehitimong imbestigasyon na isinasagawa bilang bahagi ng paggawa ng batas ay kinakailangang may pahintulot ng pamunuan ng Senado.

“Marahil ay maaari nating iugnay iyan sa kalayaan sa pagpapahayag,” ani Luistro.

“Ngunit pagdating sa lehitimong imbestigasyon na kaugnay ng paggawa ng batas, tandaan natin na mayroon nang bagong liderato sa Senado,” dagdag niya.

“Anumang hakbang na kanilang gagawin upang ito ay mapasailalim sa saklaw ng isang Senate inquiry in aid of legislation ay dapat may basbas ng pamunuan,” pagtatapos ni Luistro.