Box

Adiong: Tax records magbibigay ng kumpletong  larawan ng pananalapi ni VP Sara

53 Views

MAGBIBIGAY ng kumpletong larawan ng pananalapi ni Bise Presidente Sara Z. Duterte ang pagbubukas ng kanyang mga tax record para sa Senado bilang impeachment court at sa publiko, ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Ayon kay Alonto Adiong, ito ang dahilan kung bakit hiniling ng House prosecution na buksan ang selyadong kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na pinaniniwalaang naglalaman ng mga income tax return (ITR) ng Bise Presidente at ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio.

“Ang nais po natin ay magkaroon po ng clear financial picture, hindi po siya half-baked lang,” sabi ni Alonto Adiong sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

Sinabi niya na layunin ng prosekusyon na gamitin ang tax records ng Bise Presidente upang patunayan ang paratang sa impeachment na mayroon itong hindi maipaliwanag na yaman.

“Ang paniwala po namin ay meron pong unexplained wealth diyan,” aniya.

Binigyang-diin ni Alonto Adiong na isang paraan upang mapanagot ang Bise Presidente, dahil bahagi ito ng mga isinampang kaso, ay ang pagbubukas at pagtanggap sa lahat ng ebidensyang maaaring makalap upang magkaroon ng sapat na batayan sa paghatol kapag dumating na ang pinal na resolusyon sa usapin.

Sa pagsagot sa isang tanong, sinabi ng House trial spokesperson na may kapangyarihan ang Senado, bilang impeachment court, na siyasatin ang mga tax record ng isang opisyal na nahaharap sa impeachment.

Naalala niya na noong mga pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng mga reklamong impeachment laban kay Duterte, napagpasyahan ng komite na panatilihing selyado ang kahong iniharap ng BIR dahil sa pangambang maaaring lumabag ang pagbubukas nito sa mga probisyon ng National Internal Revenue Code tungkol sa pagiging kompidensiyal ng mga tax record.

“Nais naming maiwasan ang mga teknikal na isyu. Kaya ang naging desisyon ay iharap ito sa tamang forum, na siyang impeachment court,” aniya.

Nang tanungin kung magsasampa ba ang prosekusyon ng hiwalay na kaso laban kay Duterte kung may matuklasang hindi tugma sa kanyang tax records, kita, at maging sa mga pondong nasa kanyang bank accounts, sinabi ni Alonto Adiong na hindi iyon ang kanilang layunin.

“Nakatuon kami sa mga Articles of Impeachment. Wala kaming balak na makilahok o manghula kung ano pa ang mga susunod na legal na usaping maaaring lumitaw,” aniya.

Ang panukalang buksan ang selyadong kahon ng BIR at ang laman nito ay iniharap ng prosekusyon sa pre-trial conference noong nakaraang linggo kaugnay ng pagmamarka ng mga ebidensya.

Tumutol ang mga abogado ni Bise Presidente Duterte at humiling ng panahon upang magsumite ng paliwanag, na kanilang iniharap sa impeachment court noong nakaraang Biyernes.

Ayon sa mga prosecutor, ang pagmamarka ng mga tax document bilang ebidensya sa yugto ng pre-trial ay makatutulong upang makatipid ng oras ang impeachment court sa mismong paglilitis at mapabilis ang kabuuang proseso.