Chua1

‘Mary Grace Piattos’ sapat upang ilantad ang 4K pekeng tumanggap ng confi funds — Chua

57 Views

HINDI na kailangang iharap ng House prosecution ang lahat ng 4,000 indibidwal na nakalista sa mga acknowledgment receipt para sa confidential funds ni Bise Presidente Sara Z. Duterte upang patunayan ang kanilang kaso, dahil sapat na umano ang kontrobersyal na pangalang “Mary Grace Piattos” upang maipakita ang mga puntong nais nilang patunayan, ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua nitong Linggo.

Sinabi ni Chua na kabilang pa rin si Mary Grace Piattos sa mga posibleng testigo ng prosekusyon dahil siya ang naging pinakakilalang pangalan sa mga nakalistang tumanggap umano ng confidential funds batay sa mga liquidation document.

“Sa ngayon po si Mary Grace Piattos dahil siya ang pinaka-prominente doon sa lahat ng mga nakatanggap ng confidential fund,” ani Chua sa panayam sa Bantay Balita sa Kongreso ng dzBB kasama sina Nimfa Ravelo at Isa Avendaño-Umali, nang tanungin kung nananatili pa ba sa listahan ng mga testigo ng prosekusyon ang kontrobersyal na pangalan.

Ayon sa kanya, wala namang balak ang prosekusyon na ipatawag ang lahat ng 4,000 pangalan na nasa mga acknowledgment receipt.

“Hindi naman kailangan lahat kasi kung makikita ninyo, 4,000 ang nakatanggap ng acknowledgment receipt. Hindi mo naman puwedeng ipatawag ang 4,000. Tapos na po ang termino ng susunod na administrasyon, hindi pa po tayo tapos kung lahat sila ay ipapatawag namin,” aniya.

Sa halip, sinabi ni Chua na ang ihaharap lamang ng prosekusyon ay ang mga testigong kinakailangan upang patunayan ang mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint.

“We just want to prove a point. May mga punto lang tayong gustong patunayan na sa tingin natin ay kailangan at makatutulong sa panig ng prosekusyon o maging ng depensa, kaya kami nagpapatawag ng mga ganyan,” aniya.

Matagal nang iginigiit ng House prosecution panel na libu-libong acknowledgment receipt na isinumite bilang liquidation ng confidential funds ay naglalaman ng mga kathang-isip na pangalan ng mga tumanggap umano ng pondo, kung saan si Mary Grace Piattos ang naging pinakakilalang halimbawa sa mga isinagawang imbestigasyon sa Kongreso.

Lumitaw ang pangalang Mary Grace Piattos sa mga acknowledgment receipt na isinumite bilang liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President.

Naging sentro ito ng pansin matapos sabihin ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala itong nakitang rekord ng kapanganakan sa ilalim ng naturang pangalan, na nagbunsod ng mga tanong kung totoong umiiral ang nasabing tumanggap ng pondo.

Nakatakdang simulan ng Senado, bilang impeachment court, ang pormal na paglilitis sa Hulyo 6. Nahaharap si Duterte sa impeachment dahil sa mga paratang na kabilang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol na kinasasangkutan ng mga tauhan ng Department of Education (DepEd), at mga umano’y pagbabanta laban sa pinakamataas na opisyal ng bansa.